Iminungkahi ni Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) president Manny V. Pangilinan, sa naganap na board meeting ng asosasyon noong nakaraang Martes, ang pagkakaroon ng partisipasyon at konsultasyon ng iba’t ibang kinatawan ng board sa pagpili ng “future national teams” kaugnay sa nakahanay na siyam na international tournaments sa susunod na taon.
Kabilang sa mga event na nakatakdang lahukan ng bansa sa susunod na taon ay ang 28th Southeast Asian Games sa Singapore sa Hunyo at ang 28th FIBA Asia Championship sa China sa Agosto na magsisilbing regional qualifier para sa 2016 Rio de Janeiro Olympics.
Kaugnay nito, inaprubahan ng SBP board ang pagbuo ng isang screening-selection committee na kinabibilangan ng SBP board members na kumakatawan sa iba’t ibang collegiate leagues na gaya ng UAAP, NCAA, CESAFI at NAASCU kasama si SBP executive director Sonny Barrios sa pagbuo ng national team na hindi kailangan ang PBA players. Para naman sa elite tournaments na kahalintulad ng FIBA Asia Qualifying, World Cup at Asian Games na nangangailangan ng PBA players, magdaraan muna ito sa isang committee na binubuo naman ng board members na mula sa PBA, PBA D-League at SBP.
Ang mabubuong committees ang magsasala ng isang “short list” para sa mga kandidato na isusumite sa SBP Executive Committee na kinabibilangan naman ng SBP chairman, president, vice chairman, vice president at executive director para sa tinatawag na “ultimate final approval” ng SBP Board of Trustees.
Sa naganap ding pagpupulong, sinabi rin ni Pangilinan ang kanilang balak na pagbi-bid para maging host ng 2019 FIBA World Cup kung saan ay malalaman kung sinu-sino ang mga kalahok sa susunod na buwan.
Pinag-usapan din sa pulong ang pagpapalawak ng grassroots development program ng SBP na plano nilang gawing “nationwide” sa susunod na dalawang taon.
Dahil dito, sinabi ng BSP na kailangan ng aktibong paglahok ng kanilang regional SBP leaders sa pagbuo at pagpapatupad ng kanilang programa sa kanilang mga nasasakupan.
Ang 3x3 format na isinusulong ng FIBA, sa pamamagitan ng pagdaraos ng multi-leg Masters Tour, ay kanila ring pagsisikapang mapalaganap sa buong bansa, partikular sa mga pangunahing bayan at lungsod.
Kaugnay nito, makikipagugnayan din sila sa mga kilalang age groups leagues sa bansa na gaya ng Philippine Collegiate Champions League ni Rey Gamboa at coach Joe Lipa, ang under 18 National Basketball Training Center ni coach Eric Altamirano at ang under 16 BEST Center ni coach Nic Jorge para sa pagsasagawa ng SBP grassroots development programs.
Samantala, nakatakda rin nilang ilunsad ang SBP Referees National Accreditation Commission at ang nationwide SBP coaching program.