Pinayagan na ng Bureau of Immigration (BI) na makaalis ng bansa si Marc Sueselbeck, ang German fiancée ng napatay na si Jeffrey “Jennifer” Laude.
Ito ay matapos magpalabas ng deportation order ang BI Board of Commissioner bunsod ng paghahain ni Sueselbeck ng motion for voluntary deportation.
“Maaari na siyang makaalis ano mang oras basta mayroon na siyang plane ticket at clearance mula sa National Bureau of Investigation (NBI),” ayon kay BI spokesperson Atty. Elaine Tan.
Ayon kay Tan, ang paghahain ni Sueselbeck ng motion for voluntary deportation ay isang pag-amin sa mga reklamong inihain laban sa kanya at pagpayag nitong ilagay sa blacklist ng BI upang hindi na siya muling makabalik sa Pilipinas.
Noong nakaraang Linggo, tinangka ni Sueselbeck na sumakay ng isang Malaysian jetliner patungong Germany subalit ipinababa ito ng mga immigration agent bunsod ng nakabimbin na deportation case na kinahaharap nito.
Matatandaan na inireklamo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) si Sueselbeck matapos itong pumasok ng sapilitan sa isang holding facility sa Camp Aguinaldo, Quezon City kung saan inilagay sa kustodiya si US Marine Pfc. Joseph Scott Pemberton, ang itinuturong pumatay kay Jennifer ilang linggo na ang nakararaan. - Jun Ramirez