Posibleng pumasok sa bansa bukas ang isang low pressure area (LPA) na namataan sa Silangan ng Visayas region.
Paliwanag ni weather specialist Benison Estareja ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Seervices Administration (PAGASA), huling namataan ang LPA sa layong 1,800 kilometro ng Silangang Visayas.
Aniya, malaki ang posibilidad na pumasok ito sa Philippine area of responsibility (PAR) sa Sabado at kapag naging bagyo ito ay tatawagin itong “Paeng”.
Pero ayon kay Estareja, depende pa rin ito sa northeast monsoon dahil sa huling impormasyon ay humihina ang amihan.
Ayon sa PAGASA, kung hindi magbabago ang kilos ng namumuong bagyo ay posibleng sa Linggo o Lunes pa maramdaman ang epekto nito sa bansa.