Mga laro ngayon: (Smart Araneta Coliseum)
4:15 p.m. Alaska vs. Meralco
7 p.m. Globalport vs. Purefoods
Unahang makapagposte sa kanilang ikatlong sunod na panalo na pansamantalang magluluklok sa solong liderato ang tatangkain ng Alaska at Meralco sa pagtutuos nila ngayon sa PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Sa ganap na alas-4:15 ng hapon magtatapat ang Aces at Bolts na kapwa may malinis na barahang 2-0 (panalo-talo) kung saan ay nasa 4-way tie sila sa namumuno ding San Miguel Beer at Rain or Shine.
Magtatagpo naman sa tampok na laro ang Globalport at Purefoods sa ganap na alas-7:00 ng gabi.
Nakatagpo ng isang maituturing na tunay na Alas sa katauhan ni 6-foot-1 Calvin Abueva, umaasa si coach Alex Compton na nawa’y magtuluy-tuloy ang magandang tinatakbo ng kanilang koponan.
Tinapos ni Abueva ang kanyang game-long brilliance sa pamamagitan ng isang coast to coast drive buzzer beater para iangat ang Aces, 100-98, laban sa Talk ‘N Text.
Tinapos ng dating San Sebastian Stag ang laro na mayroong career-high na 26 puntos at 22 rebounds, ang maituturing na kanyang best game matapos na tanghaling Rookie of the Year noong 2012.
”He (Abueva) played well. I think there’s something that Calvin gives us that I don’t think any other player of the league can give us,” pagmamalaki ni Compton.
“He’s just amazing. The ability to get the ball. And it’s hard for the opponent to score when you have the ball and Calvin helps you get the ball,” dagdag nito.
Sa kabilang dako, inaasahan namang magiging matindi ang match-up na mamagitan sa kanila ni 6-foot-4 Fil-Am at Bolts forward na si Cliff Hodge na nagtala rin ng monster game na 26 puntos at 18 rebounds sa 83-75 overtime win ng kanilang koponan kontra sa expansion team na Blackwater.
Bagamat si John Wilson ang nagtrabaho sa opensa, matapos na isalansan ang 9 sa kanyang 11 puntos sa extra period, tatlong kruysal na offensive boards naman ang naiambag ni Hodge upang mapanatili ang 8 puntos na kalamangan ng Bolts.
Samantala, sa unang laban, tatangkain ng Batang Pier na madugtungan ang unang panalong naitala nila kontra sa Barako Bull noong Oktubre 26, 91-81, habang maghahabol naman ang katunggaling Star Hotshots, ang reigning grandslam champion, na makabangon sa natamong dalawang sunod na kabiguan sa kamay ng Alaska at San Miguel Beermen.