Mga laro ngayon: (Ynares Sports Arena)
12 p.m. Cagayan Valley vs. MJM Builders-FEU
2 p.m. Wang’s Basketball vs. MP Hotel
4 p.m. Brea Story-Lyceum vs. Jumbo Plastic
Maagang pamumuno ang tatangkain ng nagbabalik sa aksiyon na Wang’s Basketball sa kanilang pagsagupa sa baguhang MP Hotel Warriors sa pagpapatuloy ng aksiyon sa PBA D-League Aspirants Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Unang pinataob ng Wang’s ni coach Pablo Lucas ang baguhang AMA University Titans sa nakaraang opening day, 96-78.
Sa ganap na alas-2:00 ng hapon, tatargetin ng Wang’s na makamit ang ikalawang sunod na tagumpay laban sa MP Hotel Warriors ni Congressman Manny Pacquiao na galing naman sa pagkabigo sa una nilang laban sa kamay ng Café France, 59-89.
“Mas gusto ko ‘yung line-up ko ngayon compared doon sa dati. Kasi kumpleto kami ngayon, mayroon na kaming big men,” pahayag ni Lucas na optimistikong magiging maganda ang takbo ng kanilang kampanya sa taong ito.
Tinukoy ni Lucas ang mga bagong recrtuits na sina 6-foot-9 Ezer Rosopa at 6-foot-5 Micahel Miranda na inaasahan niyang makatutulong ng malaki para magkaroon sila ng puwersa sa gitna.
Una rito, nakatakda namang sumalang sa unang pagkakataon at mag-uunahang makapagtala ng kanilang unang tagumpay ang Cagayan Valley at ang baguhang MJM Builders na pangungunahan ng core ng Far Eastern University (FEU) team sa UAAP sa ilalim ni coach Nash Racela.
Maliban sa Tamaraws na sina Cris Tolomia, Carl Cruz, Roger Pogoy, Antony Hargrove, Raymar Jose, Axie Iñigo at Russel Escoto, makakatuwang din nila para pamunuan ang kanilang kampanya ang mga dating karibal sa UAAP na sina National University’s Glenn Khobuntin at Gelo Alolino.
Sa kabilang dako, inaasahan naman na makikipaggitgitan sa panig ng Rising Suns ni coach Alvin Pua si No. 1 overall pick Moala Tautuaa kasama ang mga local homegrown standouts na sina Michael Mabulac, Andrian Celada, Don Trollano at Jason Melano.
Samantala, sa tampok na laro, nakatakda ring mag-debut ang isa pang baguhang team na Bread Story–Lyceum na gagabayan ni dating Pirates coach sa NCAA na si Bonnie Tan.
Makakatunggali nila ang Jumbo Plastic Linoleum sa ganap na alas-4 ng hapon.
Pangungunahan ang Bread Story ng NCAA Best Defensive Player at Rookie of the Year na si Joseph Gabayni kasama sina Jebb Bulawan, Dexter Zamora, Wilson Baltazar at UST stalwarts na sina Louie Vigil, Ed Daquioag at Kent Lao.
Para naman sa bagong bihis na Giants na halos binalasa ang kabuuan ng kanilang roster, tiyak na mamumuno ang mga bagong recruits na sina Mark Cruz, Jan Colina, Janus Lozada, Brian Heruela, at dating manlalaro na sina Marion Magat, Maclean Sabelina at Robby Celiz.