Mga laro ngayon: (FilOil Flying V Arena)

4 p.m. – Systema vs IEM

6 p.m. – Meralco vs Cagayan

Masusukat ngayon kung gaano kahanda para sa darating na kampeonato ang men’s finalists na System Tooth and Gum Care at Instituto Estetico Manila sa kanilang nakatakdang pagtatapat sa maituturing na preview sa pagtatapos ng eliminations ng Shakey’s V-League Season 11 Third Conference sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Magtatagpo ang Active Smashers at Volley Masters sa ganap na alas-4:00 ng hapon kung saan ang magwawagi ay papasok bilang No.1 team at inaasahang makakukuha ng momentum sa pagsisimula ng kanilang best-of-three finals ng season-ending conference ng ligang ito na inihahatid ng Shakey’s sa tulong ng Mikasa at Accel na magsisimula sa darating na Linggo.

Sa kanilang unang pagtatagpo, bumangon ang IEM at bumalikwas mula sa 1-2 set na pagkaka-iwan upang gapiin ang Systema noong nakaraang Oktubre 5 sa pangunguna nina Jason Canlas, Karl dela Calzada at Jeffrey Jimenez.

Muling aasahan ang tatlo ni coach Ernesto Balubar para pamunuan ang kanilang finals campaign kontra sa Active Smashers para makamit ang unang men’s crown ng liga.

Sa kabilang dako, aasahan naman ng tropa ni coach Arnold Laniog ang kanilang bentahe sa height para ungusan ang Volley Masters sa pangunguna ng kanilang pangunahing hitters na sina Salvador Depante, Chris Antonio at Angelo Espiritu kasama ang mga dating NCAA standouts na sina Rocky Honrade at Patrick Rojas.

Samantala, sa tampok na laro, tiyak namang gagamitin ng Cagayan Valley ang kanilang nakatakdang laban kontra sa Meralco para makapaghanda sa kanilang duwelo sa kampeonato kontra sa Philippine Army.

Muling magtatapat ang Lady Rising Suns at Power Spikers sa huling laban sa ganap na alas-6:00 ng gabi.

Magsisimula ang kampeonato ng liga sa Linggo sa ganap na alas-2:00 ng hapon sa pagtatapat ng Systema at IEM sa men’s division na susundan ng salpukan ng Army at Cagayan sa ganap na alas-4:00 ng hapon sa women’s division.

Gaganapin din ang awards rites kung saan pararangalan ang mga mahihirang na MVP ng magkabilang dibisyon matapos ang game one sa men’s finals.