Napilitang ilikas ang mga pasyente ng Cebu Doctors’ University Hospital matapos sumiklab ang sunog sa Osmeña Boulevard, Cebu City noong Martes ng gabi.
Ayon kay Chief Insp. Rogelio Bongabong Jr., City Fire Marshall, nagsimula ang sunog dakong 8:11 ng gabi sa linen department basement ng limang palapag na ospital at umabot ito sa ikaapat na alarma.
Hindi man naapektuhan ang ilang palapag ng nasabing gusali ay kinailangan namang ilikas ang mga pasyente kasama na ang mga nasa Intensive Care Unit (ICU) at Labor Room sapagkat nawalan ng kuryente at makapal na ang usok sa pasilidad.
Hindi naging madali ang paglilipat sa mga pasyente sa katabing ospital sapagkat kinapos ng ambulansya at kailangang unahin ang mga pasyente na nasa maselang kalagayan.
Kanya-kanyang bitbit ng kanilang dextrose ang mga pasyente sa pagsisikap na makaligtas sa nasusunog na ospital. Isang buntis ang napaanak habang isinasakay sa ambulansiya.
Idineklarang kontrolado ang sunog dakong 9:20 ng gabi.
Inaalam pa kung magkano ang iniwang pinsala ng sunog.
Ang Cebu Doctors’ University Hospital na may 300-bed capacity ay isa sa mga nangungunang ospital sa Central Visayas.