LAGING nakangiti, na natural na kay Janine Gutierrez eversince na nakilala namin siya, sa pagsagot sa mga tanong ng press sa launching ng bagong romantic-comedy-drama series na More Than Words sa GMA-7 ni Elmo Magalona. Isa bang dahilan nito ay ang hindi na nila paglilihim ng tunay na relasyon nila ni Elmo?
“Wala po naman talaga kaming intensiyon na ilihim ito,” sagot ni Janine. “Siguro po, dahil bago pa lang kami, gusto muna naming sarilinin ang relasyon namin. Kaya naman ini-enjoy muna namin na maging sulit ang bawat oras na magkasama kami. Alam po namin na kapag nalaman na ito, hindi na kami p’wedeng magkaila pa. Sa ngayon, six months na rin po kaming dalawa ni Elmo.”
Biniro tuloy si Janine, na baka gayahin niya ang kanyang mommy, si Lotlot de Leon, na maagang nagpakasal at siya nga ang naging panganay na anak nila ni Ramon Christopher.
“Hindi po, saka nalampasan ko na rin ang age ni Mommy nang magpakasal siya. Hindi po ako nakipag-boyfriend kahit noong nag-aaral ako dahil ang priority ko talaga makatapos, at iyon, na payagan ako ng parents ko na mag-artista. Noon ko pa po gustong mag-artista, pero papayag lang daw sila kung matatapos ko ang college ko, which I did. At nang makatapos na ako, pumayag na silang pasukin ko na rin ang showbiz.”
(Editor’s note: Nagtapos noong 2011 ng European Studies sa Ateneo de Manila si Janine.)
Aware ba siya na marami pa ring nagkaka-crush kay Elmo kahit boyfriend na niya ito?
“Okey lang po iyon sa akin, saka hindi naman ako ganoon kaselosa,” natawang sagot ni Janine. “Saka wala pa naman siyang ginagawa na dapat kong ipagselos. Maayos po ang relasyon namin and he’s very thoughtful. Hindi ko malilimutan na natupad ang dream kong makapag-travel abroad for the first time, at makita ang Hong Kong Disneyland, nang i-treat niya ako roon last August, kasama namin ang iba naming friends.”
Labis ang pasasalamat ni Janine nang malaman niyang may kasunod agad ang kanilang Villa Quintana na unang pinagtambalan nila ni Elmo.
“Hindi po namin in-expect na bibigyan agad kami ng bagong project dahil last June lang kami natapos. At natuwa ako na hindi naman ako magda-drama rito, dahil light romantic comedy naman itong gagawin namin at ibang-iba ang character na gagampanan ko. I will play the role of Katy Perez, na sa kabila ng hindi naman siya maganda, as Ikay, ay teenage dream niya na isa siyang beauty queen na hinahangaan at popular sa kanilang university. Lahat ng dreams niya, inilalagay niya sa kanyang blog at hindi niya inisip na lahat ng sinulat niya ay magkakaroon ng katotohanan isang gabi, nang dumating ang kanyang pinapangarap na knight in the shining armor, sa katauhan ni Hiro (Elmo).
“Marami pong masasayang eksena rito, kahit pa si Ikay ay alagang i-bully ng classmates niya sa university. First time ko pong makakatrabaho si Ms. Jaclyn Jose na gaganap for the first time sa comedy, ang mahal kong nanay na very understanding kahit na ang anak niyang si Ikay ay very low ang IQ. Mapapanood na kami starting November 3, sa primetime.”