Limampu’t limang porsiyento ng mga respondent sa survey ng Social Weather Stations (SWS) noong Setyembre, na inihayag ang mga resulta noong Lunes, ang nagsabing sila ay mahirap. Ang 55% na iyon ang kumakatawan sa 12.1 milyong pamilya. Maikukumpara ang 55% sa average na 52% sa apat nga quarterly survey na isinagawa noong 2013. Samakatuwid, dumami ang ating mga kababayan na nagtuturing sa kanilang sarili na mahirap ngayong taon.
Sinabi ng mga tagapagsalita ng Malacañang na ipinakikita ng mga resulta ang mga programa ng pambansang pamahalaan upang mapababa ang kahirapan ay kailangang magpatuloy. Binanggit nila ang pinalaking budget para sa Conditional Cash Transfer (CCT) program, kung saan binibigyan ang maralitang pamilya ng mula P900 hanggang P1,400 kada buwan.
Kung umaasa ang gobyerno sa CCT program upang magkaroon ng pagbabago sa problema ng kahirapan sa bansa, parang hindi ito nagtatagumpay. Ang perang mula sa CCT ay nakikita bilang limos, pansamantalang ayuda na ibinibigay. Nagpapasalamat naman ang mga nakatatanggap ngunit hindi ito solidong dadag sa buwanang kita ng isang pamilya. Wala itong iniba sa emergency assistance na ibinibigay sa mga biktima ng bagyo o sunog na tumatagal lamang habang may emergency.
Upang tunay na maramdaman ng isang pamilya na umaahon na ito sa kahirapan, kailangan nito ng regular na kita mula sa sarili nitong kayod. Kaya kailangang tutukan ng mga tagaplano ng gobyerno ang paglikha ng mga trabaho. Lumalago na ang mga trabaho sa sektor ng serbisyo. Kailangan ang kaparehong pagsulong sa mga sektor ng manufacturing at agrikultura.
Sa parehong araw ding iyon na inilabas ng SWS ang kanilang survey results hinggil sa kahirapan na nararamdaman ng mga pamilya, kasama ang resulta ng Philippine Trust Index Survey kung saan nakalista ang Simbahan, akademya, at media bilang mga institusyon na pinaka-pinagkakatiwalaan ng taumbayan ngayon.
Tinamo ng Simbahan ang trust rating na 75%, sinundan ng akademya na may 53%, at media na may 33%. Ang nasa hindi gaanong pinagkakatiwalaan na mga institusyon ay ang gobyerno na may 11%, non-government organizations na may 12%, at business na may 13%. Ang trust rating ng mga ahensiya ng gobyerno ay bumababa mula pa noong 2012, at ang pinakamalaking pagbulusok ay pinagdurusahan ng Office of the President at ng Senado.
Ang mga survey result ay maaaring magdulot ng negatibong epekto sa ilang opisyal ng gobyerno. Ngunit kailangang tanggapin ito bilang isang paghamon upang pagbutihin nila ang kanilang pagtupad sa tungkulin. Ipinakikita ng survey ang pag-iisip ng taumbayan at kung ano ang kanilang iminumungkahi kung anong programa ng gobyerno ang mainam. Dapat itong ituring na mga gabay para sa mga tagaplano ng gobyerno.