Ni ELLALYN B. DE VERA
Gagamit na rin ng mga drone o multi-functional unmanned flying device ang pamahalaan sa pagsasagawa ng agricultural research sa bansa, partikular sa mga taniman ng palay.
Sinabi ni Roger Barroga, pinuno ng Philippine Rice Research Institute (Philrice)-Future Rice Program, na ang paggamit ng mga research team ng Philrice ng mga drone ay sisimulan na ngayong buwan.
Naniniwala si Barroga na mas makakukuha ng tamang impormasyon at mas epeketibong makapagsasagawa ng pag-aaral ang mga dalubhasa gamit ang modernong teknolohiya sa aerial survey.
Inaasahang gagamitin na rin ang mga drone ng University of Southern Mindanao sa susunod na taon matapos ang sumailalim ang mga technical team sa flight tutorial at tamang paggamit ng instrument.
Kabilang sa mga technical feature ng drone ay high definition camera, flight stabilizer, at Global Positioning System (GPS) upang madetermina ng gumagamit ang flight path nito.
May kakayahan ang isang drone na lumipad mula walo hanggang 10 minuto lamang at kayang umikot sa distansiyang dalawang kilometro.
Aniya, magagamit ang teknolohiya sa iba’t ibang research activity tulad ng data collection, pagdetermina sa growth pattern, pagtukoy sa mga peste at nutrient management.
Inihayag naman ni Dr. Dindo Tabanao, pinuno ng PhilRice Plant Breeding and Biotechnology Division na magagamit din ang mga drone sa pagiinspeksiyon ng mga nasalanta ng kalamidad, pagmo-monitor ng palayan at pagtukoy sa mga lugar na posibleng maapektuhan ng El Niño.