Minsan pang humirit ang pangunahing may akda ng medical marijuana bill na ito ay bigyan ng isa pang pagkakataon upang ito ay pagdebatihan ng mga mambabatas. Hinahangad na ito ay talakayin sa plenaryo upang timbangin ang kaligtasan at makabubuting paggamit ng marijuana bago ito tuluyang tutulan.

Ang naturang panukala – House Bill 4477 o Compassionate Use of Medical Cannabis Bill – ay naglalayong gawing legal ang paggamit ng marijuana sa buong bansa. Ipinaggigiitan ng author ng bill na si Isabela Representative ‘Rodito’ Albano na ang naturang herbal ay makatutulong nang malaki sa mga pasyente na dumaranas ng matinding kirot ng karamdaman. At tiniyak na ang paggamit nito ay tutugon sa mahigpit na regulasyon ng Department of Health (DOH).

Gayunman, ang naturang mga alegasyon ay pinutakti ng matinding pagtutol at pagbatikos ng iba’t ibang sektor ng sambayanan. Ang Philippine Medical Association (PMA) ay tandisang nanindigan na pananagutan nila na pangalagaan ang kaligtasan ng kanilang mga pasyente. Higit kaninuman, ang mga doktor ang nakaaalam ng mabuting mga alternatibong medisina para sa mga may karamdaman. At, siyempre, hindi kasama rito ang paggamit ng marijuana.

Maliban sa mga sugapa sa mga bawal na droga, hindi rin katanggap-tanggap sa mga mamamayan ang legalisasyon ng marijuana. Winawasak nito ang lipunan, lalo na ang kabataan na ang ilan ay nalululong ngayon sa illegal drugs na tulad ng shabu.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Isa pa, ang marijuana sa mula’t mula pa ay mahigpit nang ipinagbabawal ng gobyerno sapagkat ang paggamit nito ay labag sa batas. Katunayan, laging nilulusob ng mga alagad ng batas ang mga taniman nito na karaniwang matatagpuan sa mga kagubatan ng Cordillera Autonomous Region (CAR). Ang nakukumpiska nilang mga tanim ay kagyat na sinusunog at dinadakip ang mga nangangasiwa sa naturang mga plantasyon ng marijuana.

Ang dapat isulong na mga panukalang-batas ay yaong tunay na makatutulong sa mga may karamdaman. Hindi ang marijuana bill na walang mararating; dapat na ito ay dead-on-arrival sa plenary o bulwagan ng Kongreso.