Nagbigay ng dalawang linggo ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) upang muling mai-evaluate ang kondisyon ng Mt. Mayon para sa mga panibagong rekomendasyon kung dapat ibaba ng alert level makaraang pananahimik ng bulkan.

Sinabi ni Phivolcs Director Renato Solidum, matapos ang huling lava flow ng bulkan at kung wala pa ring malaking pagbabago sa aktibidad nito sa loob ng dalawang linggo, dito na sila magsasagawa ng re-evaluation para sa susunod na hakbangin.

Nilinaw ni Solidum na mahirap magpalabas ng abiso dahil lamang sa ilang araw na pananahimik ng bulkan na kung tutuusin ay aktibo at anumang oras ay puwede itong sumabog.

Binigyang diin niya na pinakaimportante pa rin ang pagbibigay ng prayoridad sa mga residenteng pasok sa 6-kilometers permanent danger zone dahil alam naman ang peligrong dala nito sa buhay ng tao.

National

Dalawang kabaong na nakahambalang sa NLEX, nagdulot ng trapiko

Iginiit ni Solidum, kinakailangan nilang maging maingat sa lahat ng ipinapalabas na abiso dahil hindi biro ang buhay na nakasalalay sa kanila at ang anumang pagkakamali ay walang puwang sa oras na seguridad at kaligtasan ng tao ang pinag-uusapan.

Samantala, nilinaw ng Albay Public Safety and Emergency Management Office na ipatutupad ang pagbabawal sa evacuees na makabalik sa loob ng danger zone kahit idahilan pa ng mga ito ang paggunita ng Undas.