Kung itong Nobyembre tulo laway na inaabangan ang sagupaang lona ni Pacquiao kontra Algieri, hindi rin matatawaran ang bumibilis pitik puso sa kumakapal na taga-sunod ng dalawang nag-uumpugang lider ng bayan. Kasalukuyang pinapanday ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) ang patakaran, estilo at pook na pagdarausan ng debate ni Vice President Jejomar Binay at Senador Antonio Trillanes sakali mang matuloy ang banatan ng laway at talino.

Atat masaksihan ng sambayanan ang laglagang magaganap, kung meron man. Mas trip ng madlang-pipol ang ebidensiya at dokumentong dapat ipresenta sa nasabing pondahan. Inaabangan din ng marami ang pikunang matitiyak at kung sinong mukha mapapangiwi o mapaghahalatang magngiting hilaw o aso kaya? Pero sa seryosong usapan, kung ako hihingan ng payo sa huntahang sinusulsi, kailangan pag-isipan mabuti ng kampo ni VP Binay ang debate. Una sa lahat, ang debate kadalasan para lang sa mga kapantay hal. parehong kandidato pagka-pangulo. Si Senador Trillanes nadidinigang tatakbo bilang Bise Presidente, habang si VP Binay, Pangulo sa 2016. Si Trillanes baka madiskaril pa sakaling hindi matuloy si Senador Alan Peter Cayetano na magpresidente para sa Nationalista Party. Si VP Binay nagunguna sa mga survey bilang pangulo. Si Senador Trillanes kailangan humabol pa, at sa posisyon na Vice President lang. Ibig sabihin, mas malaki ang isinusugal ni VP Binay sa pinaplanong harapan nila.

Kunyari makapuntos ang Senador, siya ang mas mabibiyayaan sa palitan ng dalawa. Habang, kung si VP Binay ang magwagi, ay parang “dapat lang” talaga, dahil Bise Presidente siya na pang-presidente na nga; abogado pa, at mas beterano sa pulitika. Kahit sabihing nanalo pa, di rin tutuldok ito sa ibang kritiko ng Bise Presidente sa pambabatikos sa kanya. Sa madali’t sabi, huwag na lang patulan. Sa ganitong bangayan, si Senador Trillanes ang may malaking grasyang hinahangad o makakamtan, dahil naghahanap ito ng pagkakataon makabuslo, o maka-disgrasya. Sa Ingles ay – “He has everything to gain and little to lose”. Banda ni VP Binay, ay “Has everything to lose, and little to gain”. Kaya, mag-ikot at kausapin na lang niya buong bansa!

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists