Ego, self-esteem, pananaw mo sa iyong sarili, iisa lang ang kahulugan ng mga iyon – ang pagtingin mo sa iyong pagkatao.
I-imagine mo ang iyong sarili na tinatawag ka ng iyong boss. Hindi kayo magwa-one-on-one na meeting o may ipagagawa siyang mahalagang proyekto sa iyo kundi pagagalitan ka na naman sa nagawa mong kapalpakan sa trabaho. Nitong mga huling araw nagiging paborito ka niyang “sabunin” at “banlawan” na kung minsan sa harap pa ng iyong mga kasama sa trabaho o ng iyong kliyente. Nakakahiya. Nakapanliliit. Parang gusto mong maglaho na parang bula.
Ngayon, nagsisimula nang bumulwak sa bunganga ng boss mo ang maaanghang na salita na parang bala na tumatama sa iyo. Masasakit na salita, para ngang nararamdaman mo ang pisikal na sakit sa pagtama sa iyo ng mga bala na iyon. Ang nararamdaman mong sakit ay ang pundasyon ng iyong ego na binabayo, binabalibag, hinahataw nang paulit-ulit. Sa kabila niyon, nananatili kang matatag at hindi mo hinahayaang mangibabaw ang iyong damdamin dahil baka may masabi kang mali. Gayunman, lumikha na ito ng damage.
Karaniwan na lamang ang ganitong eksena sa lugar ng trabaho. Lalo lamang lumalala ang situwasyon kung paiiralin ang ating ego. Kung hindi tayo flexible sa mga pag-aalipusta sa atin, lalo tayong lalaban at lalo rin natin mararamdaman ang sakit... at lalo tayong magdurusa.
Narito ang tip upang matulungan kang harapin ang iyong ego nang hindi ito lumikha ng sakit ng ulo at damdamin: Huwag mong personalin. - Maraming pagkakataon na ang mga bagay na sinasabi ng mga tao sa iyo, maging sila man ay mga kasama mo sa trabaho o nakilala mo lang sa party o pagtitipon, ay pawang sumasalamin lamang sa kanilang estado ng pag-iisip at pangkalahatang diwa ng kasiyahan sa halip na nakatuon sa iyo.
Huwag ka nang mag-overreact sa kanilang sinasabi o ikinikilos. Hayaan mo lang dumaloy ang mga salita at huwag mong idikit ang iyong sarili sa kahulugan ng mga iyon.
Sundan bukas.