Magpakakalat ng 1,579 pulis ang Southern Police District Office (SPDO) sa mga kritikal na lugar na nasasakupan nito para tiyakin ang seguridad ng publiko sa Undas.

Sa pulong balitaan inihayag ni SPD Officer in-Charge Chief Supt. Henry S. Rañola Sr. sa mga hepe ng pulisya at media, ipakakalat ang mga pulis sa 30 pampubliko at pribadong sementeryo, 13 bus at jeepney terminal, apat na paliparan, 20 shopping mall at commercial center, mga istasyon ng Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT) na sakop ng anim na lungsod (Pasay, Makati, Taguig, Parañaque, Muntinlupa at Las Piñas) at bayan ng Pateros sa southern Metro Manila.

Bukod sa mga pulis, aayuda rin sa pagbibigay seguridad ang 2,495 Bantay Bayan, mga barangay tanod, Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT), security guard at puwersa mula sa non-government organizations.

Umaabot sa 4,072 personnel ang magbibigay ng seguridad.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Mahigpit na ipinagutos ni Ranola sa mga hepe ng pulisya na paigtingin ang pagpapatrulya sa mga lansangang pinamumugaran ng kriminal.

Noong Oktubre 25, sinimulan ng SPD ang weekend patroller na may dalawang shift upang mapaigting ang police visibility para sa kaligtasan ng publiko.

Naglabas din ang SPD ng mga pulyeto para paalalahanan ang publiko, partikular ang mga biyahero na mag-iingat upang hindi maging biktima ng masasamang elemento ngayong Undas.

Payo ng SPD sa mga biyahero suriin ang kondisyon ng kanilang sasakyan at dalhin ang mga kinakailangang dokumento ng sasakyan upang hindi maabala sa biyahe.