MAKAPIGIL-HININGA ang pagtatapos ng Ikaw Lamang noong Biyernes na inabangan ng marami nitong loyal viewers dahil gustong malaman kung paano magagapi ni Gabriel (Coco Martin) ang taong sumira ng buhay ng pamilya niya, si Franco (Christopher de Leon).
Bilib kami sa propesyunalismo ni Boyet dahil pumayag siyang isabit sa bakal na ikinamatay niya dahil tumusok ito sa katawan niya na karamihang gumagawa lang nito ay mga supporting actors.
Hindi nabigo ang buong production sa mga hirap nila dahil nagtala ang Ikaw Lamang ng 34.1%, lamang ng 21 points sa katapat nitong programa sa GMA na Hiram na Alaala na nakakuha naman ng 13.1%.
Nanguna rin ang Ikaw Lamang social networking sites, tulad sa sa Twitter na naging no.1 worldwide trending topic ang official hashtag nito na #ILFullCircle.
Hindi rin nabigo ang mga manonood dahil natupad ang pangako nina Coco at Kim Chiu sa mga sumusubaybay ng Ikaw Lamang na bibigyan nila ng happy ending dahil halos lahat ng mabubuting characters ay buhay maliban kay Samuel (Joel Torre).
Ang Ikaw Lamang ay mula sa direksiyon nina Malu Sevilla, Manny Palo, at Avel Sunpongco, production ng Dreamscape Entertainment Television na siya ring lumikha ng mga de-kalibre at top-rating TV masterpieces na Walang Hanggan, Ina Kapatid Anak, Juan dela Cruz, at maraming iba pa.