ni Anna Liza Villas-Alavaren

Ano ang tatlong institusyon sa bansa na pinakapinagkakatiwalaan ng mga Pilipino?

Ang Simbahan, ang akademya, at ang media. Ito ay ayon sa Philippine Trust Index (PTI) survey ngayong taon.

Ang Simbahan pa rin ang pinakapinagkakatiwalaan ng mga Pinoy makaraang makakuha ng 75 porsiyentong trust rating, kasunod ang akademya na pinaboran ng 53 porsiyento at ang media na pinagkatiwalaan ng 33 porsiyento.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Ayon sa survey, hindi ganoon kabuo ang tiwala ng mga Pinoy sa negosyo na nakakuha ng 13 porsiyentong rating, gayundin sa non-government organizations na nakakuha ng 12 porsiyento, habang 11 porsiyento naman ang nakuha ng pinaka-hindi pinagkakatiwalaan ng publiko: ang gobyerno.

Ang survey ay isinagawa ng EON Stakeholder Relations, tinanong ang 1,626 na respondent mula Mayo hanggang Hunyo ngayong taon.

Kung tutuntunin ang trust ratings sa nakalipas na tatlong study period, tumaas ang rating ng Simbahan at akademya simula noong 2012.

Kabaligtaran naman nito ang naranasan ng gobyerno, na tuluy-tuloy na bumaba ang trust ratings simula noong 2012, na pinakamataas ang ibinagsak ng Office of the President at Senado.

Ayon sa pag-aaral, komunikasyon ang pinakamahalaga para makuha ang tiwala ng mga Pilipino.