Hiniling ng state prosecutors sa Sandiganbayan First Division na kumpiskahin ang mga ari-arian ni Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. na nagkakahalaga ng mahigit P200 milyon.

Naghain nitong Lunes ang prosekusyon ng ex-parte motion na humihiling sa korte na magpalabas ng writ of preliminary attachment or garnishment.

Sa kanilang mosyon, sinabi ng mga state prosecutor na ang mga ari-ariang mapapailalim sa garnishment ay dapat na katumbas ng P224,512,500 na halaga ng kasong plunder na hinaharap ng senador.

Iginiit din ng prosekusyon sa korte na ang writ ay maging “enforceable all over the Philippines against all monies and properties” ni Revilla, kabilang ang “bank deposits, shares of stocks and other financial instruments, and that after trial and final judgment, to declare said monies and properties forfieted in favor of the Government.”

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nauna rito, sinabi ni Senate President Franklin Drilon na simula sa Nobyembre 3, 2014 ay ipatutupad na ng Senado ang 90-araw na suspension order ng Sandiganbayan First Division laban kay Revilla.

Sinabi ni Drilon na nangangahulugan din ito na suspendido rin ang suweldo ng senador, gayundin ang mga pondong inilaan sa kanyang tanggapan.

Bagamat suspendido si Revilla hanggang sa Enero 31, 2015, sinabi ni Drilon na magpapatuloy na susuweldo ang mga empleyado ng senador.

Una nang ipinatupad ng Senado ang suspension order ng Sandiganbayan laban kina Senators Juan Ponce-Enrile at Jinggoy Estrada kaugnay pa rin ng pagkakasangkot ng mga ito sa pork barrel scam. (Jeffrey G. Damicog at Hannah L. Torregoza)