Bunsod ng mga ulat sa tuluy-tuloy na pagkalat ng Ebola virus sa daigdig, ang international community – lalo na ang World Health Organization (WHO) – ay tumanggap ng maraming pagbatikos dahil sa kabagalan nito sa pagresponde sa panganib.

Sinabi ng isang historian of medicine sa National Center for Scientific Research ng France, na mabagal ang pagtalima ng WHO sa mga babala ng mga grupo tulad ng Medicins sans Frontieres (Doctors without Borders). Noong Abril, tinaya ng WHO na mangangailangan ng $4.8 milyon upang labanan ang Ebola outbreak; itinaas sa $71 milyon noong Hulyo, itinaas uli sa $490 milyon noong Agosto; at ngayon umapela ang United Nations para sa $988 milyon. Bahagi ng kabagalan ay isinisisi sa pagtaga sa budget ng WHO para sa infectious diseases sa halos $600 milyon at sa pagbabawas ng kawani para sa departamento mula 95 hanggang 30 katao, dahil sa isang desisyon na ilipat ang resources sa non-transmissible diseases tulad ng cancer.

Noong Linggo, binatiko ng United States ambassador to the UN , na si Samantha Power, ang level ng international support para sa pagsisikap na sugpuin ang Ebola epidemic sa pagsisimula ng kanyang tour sa mga bansa sa West Africa na Guinea, Sierra Leone, at Liberia, kung saan naiulat na mahigit 4,922 na ang namatay sa Ebola ang naitala.

Sinisisi rin ang international pharmaceutical industry dahil sa kabagalang mag-develop ng anti-Ebola drugs at vaccines. Iginiit ng mga kritiko na ang nagbuhos ang mga kumpanya ng bilyun-bilyong dolyar sa paghahanap ng lunas para sa mga problemang medical dulot ng sobrang katabaan, diabetes, at impotence, ngunit ngayon lamang sinusubukan ang Ebola vaccines sa pag-asang magkakaroon ng malaking pangangailangan para sa gamot sa Amerika at sa iba pang mauunlad na bansa.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Ang paglaganap ng Ebola virus sa mahihirap na bansa sa West Africa ay bunga ng malaking kakapusan sa hospital. Hindi sapat ang protective gown, masks, at gloves para sa mga kawani ng hospital. Ang mga pamilya ng mga biktima ay patuloy na nakatira sa parehong tahanan na hindi naman nagsisikap na linisin ang kanilang kapaligiran; at wala naman silang pupuntahang iba. Sapagkat wala namang pagbabawal na magbiyahe, marami sa mga nahawakan ng mga biktima ng Ebola sa West Africa ang maaaring nasa iba’t ibang bahagi na ng daigdig.

Sa harap ng maraming ulat ng pandaigdigang suliraning ito, kailangang doblehin ng ating mga opisyal ang kanilang pagsisikap na bantayan ang Ebola na huwag makapasok sa ating bansa at kung matuklasan ang isang balikbayan na taglay ang naturang virus, kailangang ipatupad ang lahat ng hakbang upang maiwasan ang pagkalat ng mikrobyo.

Naglaan na ang Department of Health (DO H) ng P500 milyong budget upang bigyan ng kasangkapan ang 21 hospital at sanayin ang mga kawani nito. Ang patuloy na publisidad ay makatutulong upang malaman ng mga Pilipino ang panganib at mapahigpit ang kanilang pagbabantay laban sa Ebola.