Nang mapansin ng World Boxing Council (WBC) ang kahabag-habag na kalagayan ni dating super-featherweight Rolando Navarette, kagyat kong naitanong: Manhid ba ang ating pamahalaan sa pagdamay sa ating mga atleta, lalo na ang minsang nagbigay ng karangalan sa bansang Pilipino? Hindi ba isang malaking insulto sa atin na nauna pang sumaklolo ang isang dayuhan upang pagkalooban ng financial support si Navarette?
Nabagbag ang kalooban ni WBC President Mauricio Sulaiman sa hamak na kalagayan ni Navarette na ngayon ay 57 anyos na at nabubuhay sa karalitaan. Dahil dito, inihayag niya na ang Mexico City–governing body ay tutulong sa dating kampeon sa pamamagitan ng pondo ng WBC na sadyang nakalaan sa mga dating boksingero.
Magugunita na si Navarette ay naging WBC 130-lb. title holder mula Agosto 1981 hanggang May 1982; napanalunan niya ang titulo sa pamamagitan ng fifth-round knockout laban kay Cornelius Boza-Edwards ng Uganda; ipinagtanggol niya ito laban kay Choi Chung-II ng South Korea subalit natalo siya kay Rafael ‘Bazooka’ Limon. Mula noon, si Navarette ay tumigil na sa pagboboksing at namuhay na lamang sa General Santos City sa piling ng kanyang dalawang anak. Matagal na siyang iniwan ng kanyang maybahay dahil nga marahil sa kahirapan ng buhay.
Totoo na siya ay tumatanggap ng kakarampot na buwanang allowance mula sa city government ng General Santos City bilang karagdagan ng mga tulong mula naman sa mga taong may magandang kalooban, kabilang na rito si 8-division champion Manny Pacquiao. Subalit hindi ba ang ganitong misyon ay tungkulin ng pambansang pamunuan? Hindi lamang si Navarette ang nasa ganitong kaawa-awang situwasyon. Malimit na maiulat na si Anthony Villanueva – ang kauna-unahang silver-medalist ng bansa sa olimpiyada – ay dumanas din ng paghihikahos sa buhay. Hindi ko matiyak kung saan na siya ipinadpad ng kapalaran. Ang makabagbag-damdaming kalagayan ng mga atleta ay sapat na upang mauntag ang manhid na damdamin ng kinauukulan sa pagdamay sa ating mga dating kampeon na dapat taguriang mga limot na bayani.