Sa unang sulyap, magkaiba ang suliranin sa kahirapan at kalikasan, at ang paglutas sa mga ito ay walang kaugnayan sa isa’t isa. Taliwas ito sa katotohanan. Ang paglutas sa kahirapan at ang pagpapanatili sa kalikasan ay kabilang sa aking mga adbokasiya sa mahigit na dalawang dekada ko bilang halal na opisyal at patuloy na isinusulong bilang isang negosyante. Ang mahabang karanasan ko bilang mambabatas at lider ng dalawang kamara ng Konggreso ay nagbigay ng oportunidad sa akin upang makita ang lalim at lawak ng dalawang suliraning ito. Bilang isang negosyante naman, nakita ko nang personal kung paano nagkakaugnay ang nasabing mga suliranin.

Halimbawa, ang dalawang oras (o mas maikli) na pag-ulan ay kadalasang nagbubunga ng biglang pagbaha sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila na lumilikha ng maraming perhuwisyo sa negosyo. Madali sanang tanggapin ang mga ibinubunga ng dagling pagbaha, kung bihira itong mangyari. Ang masaklap, nagiging pangkaraniwan na ito, kahit walang bagyong dumarating sa bansa. Ang itinuturong pangunahing dahilan ay ang basura na bumabara sa drainage system, na siya sanang dadaluyan ng baha patungo sa dagat, sa halip na sa lansangan.

Sampung taon na ang nakalipas mula nang ilunsad ng SIPAG Foundation, na itinatag ng aking pamilya, ang mga programa sa kabuhayan para sa mga mahihirap na pamilya sa Las Piñas. Sa ilalim ng mga programang ito, kinokolekta nila ang mga basurang gaya ng botelyang plastic at mga bao ng niyog.

Sa halip na magbara sa mga daluyan ng tubig, ang mga basurang plastic ay ginagawang materyales para sa konstruksiyon at mga upuan sa paaralan. Ang bunot ng niyog ay ginagawang coconet, na mabisang panangggalang sa pagguho ng lupa. Ang water lily, na bumabara sa mga ilog, ay ginagawang basket, bag at table cloth.

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

Sa pangunguna ng SIPAG Foundation, ang mga programang ito ay isinasagawa na sa maraming bayan sa bansa, kung saan maraming pamilya ang naiaahon sa kahirapan samantalang napangangalagaan ang kalikasan. Sa aking pananaw, tunay na isang magandang kumbinasyon.