Sinimulan na ng Judicial and Bar Council (JBC) ang pagtanggap ng nominasyon para sa bakanteng posisyon sa Sandiganbayan kasunod ng pagkakasibak sa tungkulin kay Sandiganbayan Senior Justice Gregory Ong.
Ito ang napagpasyahan sa pagpapatuloy kamakailan ng regular meeting ng pitong miyembro ng panel, na pinangunahan ni Chief Justice Ma. Lourdes Sereno.
Sa isang pahayag, itinakda sa Nobyembre 6 ang deadline sa paghahain ng nominasyon at aplikasyon at hanggang Nobyembre 21 naman maaaring magsumite ng mga kinakailangang dokumento.
Matapos matanggap ang mga pangalan, magsasagawa na ang JBC ng screening sa mga nominado sa pamamagitan ng public interview at background checking.
Ang isang mahistrado ng Sandiganbayan ay dapat na natural-born citizen, 40 anyos pataas at mahigit 10 taong naglingkod bilang hukom o abogado. Dahil hahawak ng mga kaso ng korupsiyon ng mga opisyal ng gobyerno, ang susunod na Sandiganbayan justice ay dapat na may integridad, probity at independence.
Sinibak ng Korte Suprema si Ong mula sa hudikatura dahil sa pagkakaugnay nito sa negosyanteng si Janet Lim-Napoles, na sinasabing utak ng pork barrel fund scam.
Bukod sa bakanteng posisyon sa Sandiganbayan, binuksan din ng JBC ang selection process para sa associate justice ng Court of Appeals (CA) kaugnay ng pagreretiro ni Associate Justice Vicente Veloso sa Enero 7, 2015.