Laging nakakintal sa aking isipan ang motto ng Philippine Military Academy (PMA): Courage, integrity, loyalty. At ngayon nga na ipinagdiriwang ang ika-116 na taon nito, lalong nangingibabaw ang katapangan, integridad at katapatan ng mga nagtapos at magtatapos sa naturang akademya. Ang PMA ang humuhubog sa isipan, karakter at pangangatawan ng mga kadete upang sila ay lalong maging karapat-dapat na opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Kabilang na rito ang mga kababaihang kadete na sa bisa ng isang batas ay binigyan ng pagkakataong maging military officials; nakalulugod mabatid na ang ilan sa kanila ay madalas na mapabilang sa Top 10 ng PMA graduates.

Ikinararangal ko na kahit na ako ay mapabilang sa mga hindi nakalusot sa PMA entrance test maraming dekada na ang nakalilipas, hindi kumukupas ang aking paghanga at pagdakila sa mga produkto ng naturang institusyon; hindi lamang sa kanilang matikas na tindig at pananamit kung sila ay nagdi-drill kundi sa kanilang matatag na determinasyon upang pangatawanan ang kanilang misyon hinggil sa pangangalaga sa seguridad ng mga mamamayan.

Sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin, sinusuong nila ang anumang panganib, lalo na sa mga lugar na pinamumugaran ng mga rebelde. Madalas silang napapalaban sa mga bandidong Abu Sayyaf, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, at maging sa mga NPA rebels sa iba’t ibang sulok ng bansa. Nakalulungkot nga lamang at may mga pagkakataon na sila ay sinasawimpalad.

Subalit nakalulungkot namang mabatid na ang karangalang taglay ng ilang nagtapos sa PMA ay naging dahilan upang madungisan ng hindi kasiya-siyang mga pangyayari ang nabanggit na akademya. Ang ilan sa kanila ay nasangkot sa pagkawala o enforced disappearance ng mga aktibista, pagpaslang sa ilan nating mga kapatid sa media at sa tandisang paglabag sa mga karapatang pantao. At nitong nakaraang mga araw, ang ilan sa kanila ay idinawit sa kasumpa-sumpang pangungulimbat sa salapi ng bayan. Katunayan, ang ilan sa kanila ay nagdurusa na sa mga bilangguan at detention center. Sana ay mapanatili ang dangal at katapatan ng nadungisang imahe ng PMA.
National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso