Nagtapos ang 40th Philippine Business Conference (PBC) sa Manila Hotel noong Biyernes sa presentasyon ni Pangulong Aquino ng isang 8-Point Recommendations mula sa business community ng bansa. Ang dalawa sa walong punto ay naging sentro kamakailan ng atensiyon ng publiko - ang issue ng kuryente at enerhiya at pagsisikip ng mga daungan, pati na ang matinding trapiko na nakaaapekto ng mga aktibidad sa ekonomiya sa Metro Manila.
Nag-aalala ang karamihan sa issue ng kuryente at enerhiya dahil sa abala na idudulot ng mahahabang brownout na pagsapit ng summer ng 2015, pati na ang inaasahanh pagtataas ng electric bill kapag nanggaling na ang karagdagang power supply mula sa mga kontratista upang matugunan ang agarang pangangailangan.
Lalong kritikal para sa business community ay ang pangangailangang maresolba ang problema sa kakapusan ng enerhiya kung nais ng gobyernong matamo ang pagsikad ng manufacturing sektor. Ang halaga ang enerhiya sa Pilipinas ay isa sa pinakamatataas sa Asia at nakikita itong isa sa mga dahilan kung bakit mas maliit ang naiaambag ng manufacturing sa Gross Domestic Product (GDP) kaysa services sector.
Kaya, inirekomenda ng PBC na magbalangkas ang gobyerno ng isang integrated at sustainable na power development program na ipatutupad ng isang authoritative body, na may layuning pasiglahin ang manufacturing, akitin ang foreign investments, at kamtin ang mas pinaigting na kaunlaran.
Ang rekomendasyon ng PBC sa pagsisikip ng mga daungan at trapiko ay gumugunita sa pagkaantala ng paghahatid ng mga kargamento kamakailan sa mga daungan ng Manila at sa paligid ng Metro Manila dahil sa pagbabara ng mga lansangan na kailangan ng mga ito. Hinimok ng PBC ang gobyerno na gamitin ang mga daungan sa Subic at Batangas upang mabawasan ang traffic sa Manila. Inirekomenda rin ang full development ng Clark International Airport na kapantay ng Ninoy Aquino International Airport.
Ang iba pang rekomendasyon ng business community ay may kinalaman sa programang K-to-12, human resource development, ASEAN economic integration, pagpapaigting ng koneksiyon ng Mindanao sa lahat ng bansang miyembro ng ASEAN, konstruksiyon ng mga highway, agrikultura, at rehabilitasyon ng mga lugar na tinamaan ng bagyong Yolanda.
Sa kanyang talumpati sa pagtatapos ng Business Conference, sinabi ni Pangulong Aquino na dodoblehin ng kanyang administrasyon ang pagsisikap sa “last two minutes” ng kanyang termino bago siya bumaba sa puwesto sa 2016. Maaaring tutukan ng gobyerno ang mga suliraning inilista ng business community, na may malaking tungkulin sa huling dalawang taon ng administrasyon at higit pa.