Mga laro ngayon: (Smart Araneta Coliseum)
4:15 p.m. Meralco vs. Blackwater
7 p.m. Talk ‘N Text vs. Alaska
Makasalo sa liderato ng mga kasalukuyang namumunong Barangay Ginebra at San Miguel Beermen ang kapwa tatangkain ng Meralco at Alaska sa nakatakdang double header sa pagpapatuloy ng aksiyon sa PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Unang sasabak ang Bolts sa ganap na alas-4:15 ng hapon kontra sa baguhan at winless pa rin na Blackwater Sports (0-2) habang susunod na sasalang ang Aces sa Talk ‘N Text Tropang Texters sa ganap na alas-7:00 ng gabi.
Una munang tinalo ng Bolts sa labang inabot ng dalawang overtime ang Barako Bull, 112-108, noong nakaraang Oktubre 22 habang nanaig naman ang Aces sa kanilang unang laban kontra sa defending champion Purefoods Star Hotshots, 93-73.
Dito na masusubukan ang sinasabing kakayahan ng athletic big guys ng Tropang Texters na maglaro at mapunan ang kakulangan nila sa lehitimong sentro.
Kaparis ng kanilang naunang panalo kontra sa NLEX Road Warriors, matapos mabigo ng 20-puntos, 81-101, sa kanilang opening day game laban sa Barangay Ginebra Kings, sasandigan ni Tropang Texters coach Jong Uichico sina Jay Washington, ang nagbabalik na si Kelly Williams, Ranidel de Ocampo at Rob Reyes.
Sa kabilang dako, tiyak namang hindi sila basta na lamang papopormahin nina Sonny Thoss, Samigue Eman, Anthony dela Cruz at Eric Menk.
Samantala, bigo sa kanilang unang dalawang laro, aabangan naman ngayon ang ipakikitang laro ng Elite na natatanging koponan sa hanay ng tatlong baguhang team sa liga na hindi pa nakakapagtala ng panalo.
“Hopefully, we could learn the soonest para naman magawa namin ‘yung dapat,” pahayag ni coach Leo Isaac ng Blackwater na tinutukoy ang inaasahan niyang pagkatuto ng maaga ng kanyang mga manlalaro sa mga naranasang pagkabigo.