Sinimulan nating talakayin kahapon ang ilang bagay na natutuhan natin ngunit madalas nating malimutan. Naging halimbawa natin ang huwag mag-apura. Hangad kasi natin ang lahat ng bagay kaagad nang hindi nag-aaksaya ng panahon, ngunit Patience is a virtue, anang kasabihan, at mas mainam ang maghintay. Maaaring ang desisyon mong mag-resign sa iyong trabaho sa kasagsagan ng init ng iyong ulo bunga ng hindi ninyo pag-uunawaan ng iyong boss ay magandang ideya ngayon, ngunit sa long term, gusto mo ba talagang isuko ang iyong hanapbuhay dahil hindi naging maganda ang araw na ito para sa iyo? Walang bagay na mahalaga ang dumarating nang magaan at biglaan. Kung mayroong halaga ang isang bagay, maglaan ng panahon upang gawin iyon nang tama. Maaaring gumugol iyon ng maraming panahon ngunit kapag nakuha mo na anh mga resulta, sulit ang bawat segundong ibinuhos mo para roon.
- Ang pinakamahalaga mong relasyon ay sa iyong sarili. - Huwag mong tangkaing gawin ang lahat ng gawain o responsibilidad. Magpahinga ka naman. Huminga. Mag-exercise. Kalusugan ang madalas nating kaligtaan hanggang makaramdam tayo ng panghihina ng katawan. At doon lang natin mare-realize kung gaano kahalaga ang mabuting kalusugan. Huwag mong pagurin ang iyong sarili sa sukdulan para lamang mapasaya ang iyong mga mahal aa buhay pati na ang mga nagtitiwala sa iyo. Sa pagtatapos ng isa na namang araw, ang pinakamahalagang tao na dapat mong mapasaya ay ang iyong sarili. Iyon ang tanging approval na kailangan mo.
- Maging mabuti ka sa lahat. - Ang bawat tao ay may kanya-kanyang istorya na hindi mo alam. Kilala mo lang sa mukha ang bank teller na laging nakasimangot. Halos padabog pa nga kung pagsilbihan gayong mabuti naman ang pakikiharap mo sa kanya. Wala kang karapatang husgahan ang teller na iyon sapagkat hindi mo alam kung ano ang kanyang pinagdaraanan. Maaaring miserable siya dahil may sakit ang kanyang mahal sa buhay o lumaki ang kanyang utang sa credit card. Walang nakaaalam kung ano ang kanyang istorya kaya mas mainam na magpakita ka na lamang ng kabutihan; hindi lamang sa bank teller na iyon kundi pati na rin sa jeepney driver na hindi nagbalik ng sukli sa iyo, sa parloristang hindi sumunod sa gusto mong gupit, at iba pa.
Tatapusin bukas.