Idinaraos taun-taon ang National Food Safety Awareness Week tuwing Oktubre 25-29 bilang pagtalima sa Presidential Proclamation No. 160 s. 1999, upang mapalawak ang kamalayan hinggil sa food safety education at ipakalat ang mga pamamaraan hinggil sa food poisoning at mapababa ang pagkakasakit dahil sa pagkain. Mayroong masamang epekto sa kalusugan ang hindi wastong paghawak sa pagkain, lalo na sa mga bata, matatanda, mga buntis, at yaong may karamdaman.
Ang Department of Health (DOH), sa pakikipagtulungan ng non-government organizations at pribadong sektor, ang nangunguna sa pagdaraos na may paalala para sambayanan na sundin ang malinis na paghahanda ng pagkain. Pinapayuhan ang mga mag-aaral na umiwas sa mga pagkaing itinitinda sa lansangan sapagkat maaaring lumantad na ito sa lahant ng maruruming elemento o iniluto sa hindi malinis na pamamaraan. Kailangan ding takpan ang mga kubyertos kung hindi ginagamit, hugasan ang prutas at gulay bago kainin o iluto, at panatilihing malinis sa mga peste ang kusina.
Maaaring mangyari ang food contamination sa iba’t ibang hakbang ng produksiyon, preparasyon, at pagkonsumo. Ito ang dahilan kung bakit madalas na naglalabas ang DOH ng mga advisory tungkol sa mga frozen, pre-cooked, uncooked, grilled food at mga de-lata na kailangang maayos na hawakan. Hugasan, ihiwalay, lutuin, at ipasok sa ref – ito ang mga iminumungkahing safety measures sa food peparation, handling, at storage.
Ayon sa World Health Organization (WHO), mayroong mahigit 1.5 bilyong kaso ng diarrhea at food-borne illnesses taun-taon sa buong mundo na nauuwi sa tatlong milyong patay, karamihan ay bata. Sa Pilipinas, marami ang namamatay sa diarhhea na tumataas sa 1,997 kada 100,000 katao.
Nagrekomenda ang WHO ang mga hakbang, tinawag na “Five Keys to Safer Food” – ang panatilihing malinis ang pagkain; ihiwalay ang hilaw sa luto; lutuing mabuti ang pagkain, at itago ang pagkain sa angkop na temperatura; gumamit ng malinis na tubig at raw materials. Nagbabala rin ito laban sa ilang pandaigdigang suliranin sa pagkain - microbiological hazards ng harmful disease-causing microorganisms tulad ng salmonella na karaniwang nakukuha sa mga pagkain; chemical hazards tulad ng mga contaminants in food (mycotoxins, marine toxins, mercury at lead) na maaaring magdulot ng sakit dahil sa pagkain; at teknolohiya tulad ng genetic engineering, food irradication, at modified-atmosphere packaging na maaaring magdulot ng karamdaman.