Mga laro ngayon:

(FilOil Flying V Arena)

4 p.m. – RTU vs Systema

6 p.m. – PLDT Home Telpad vs Army

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Winalis ng Cagayan Valley ang inaasahang isang mahigpit na laban sa pagitan nila ng PLDT Home Telpad, 25-15, 25-20, 25-16, upang makahakbang papalapit sa asam na finals berth at maitakda ang duwelo nila nang nauna ng finalist na Philippine Army sa Shakey’s V-League Season 11 Third Conference sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.

Gaya ng kanilang naunang itinalang first round sweep kontra sa Turbo Boosters noong Oktubre 12, dinikdik din ng Lady Rising Suns ang kanilang katunggali sa ipinakita nilang net at floor defense na sinabayan pa nila ng pagpapaulan ng spikes sa iba’t ibang anggulo ng korte upang maiposte ang kanilang ikatlong panalo sa limang mga laro.

Dahil dito, bumaba ang Turbo Boosters sa kabaligtarang barahang 2-3 (panalo-talo) habang isang panalo na lamang ang kinakailangan naman ng Cagayan upang makausad sa kampeonato.

Bagamat natalo, puwede pa ring makahabol ang PLDT sa huling finals berth ngunit kailangan nilang umasa na matalo ang Cagayan sa huling laro nito laban sa Meralco at talunin naman nila sa huli nilang laro ang Army sa tampok na laro ngayon sa ganap na alas-6:00 ng gabi matapos ang unang laban sa men’s division sa pagitan ng Rizal Technological University (RTU) at ng Systema sa alas-4:00 ng hapon.

Una rito, nakarekober ang Far Eastern University (FEU) sa decider set para gapiin ang RTU, 25-18, 25-15, 23-25, 20-25, 15-9, at isara ang kanilang kampanya sa barahang 2-4 (panalo-talo).

Dahil dito, nakumpleto at naitakda naman ang pagtutuos ng Systema at ng Instituto Estetica Manila sa unang kampeonato ng kalalakihan sa torneong ito na itinataguyod ng Shakey’s at suportado ng Accel at Mikasa.