BASEL (Reuters)– Nakatuon ang pansin ni Roger Federer sa pagtatapos bilang top-ranked player ng mundo sa katapusan ng season makaraang makopo ng 33-anyos ang kanyang ikalimang titulo ngayong taon sa kanyang hometown kahapon.
Pinatalsik ng 17-time grand slam champion si David Goffin, 6-2, 6-2, upang mapanalunan ang Swiss Indoor tournament sa Basel sa ikaanim na pagkakataon, at mas napalapit sa Serbian na si Novak Djokovic sa ituktok ng rankings.
Isang malakas na pagtatapos sa Paris Masters at sa ATP World Tour Finals ang maaring muling magluklok sa kanya bilang number one sa unang pagkakataon mula 2009, katunayan na ang kanyang galing ay hindi pa nababawasan sa paglipas ng taon.
“It would be very special, you can’t say it’s not important, world number one, it’s what it’s all about really, together with some tournaments you really care about,” pahayag ni Federer sa opisyal na istasyon ng telebisyon ng ATP makaraan ang kanyang 51-minutong pagdurog kay Goffin.
“With the year I’ve had and the amount of finals I’ve played, the level of tennis I’ve played, I’m really pleased that I have a shot at being there.”
“But I’m sure Novak will be very motivated. It’s going to be interesting weeks ahead.”
Si Federer, na ang 302 linggo bilang world number one ay isang rekord, gayundin ang kanyang 237 sunud-sunod na linggo sa ibabaw ng rankings, ay kulang ng 500 puntos lamang sa likuran ni Djokovic sa kanyang pinagsamang 2,500 puntos na maaring mahakot sa Paris at London.
Napanalunan ni Djokovic ang magkaparehong titulo noong nakaraang taon at hindi magiging masyadong mahalaga sa kanyang paghakot ng puntos, habang si Federer ay natalo sa semifinals ng mga nasabing event at may pagkakataong mapaliit ang kanilang pagitan.