Sa halip na makatulong ay nakapagpalala pa ang mga “band aid” solution sa matinding problema sa trapiko sa Metro Manila, kaya kailangang iwasan ng mga ahensiya ng gobyerno na magpatupad nito.

Ito ang inihayag ni Valenzuela City Rep. Sherwin Gatchalian nang hinimok niya ang mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno na magkaroon ng komprehensibong solusyon na epektibong maiibsan ang lumalalang trapiko sa Metro Manila.

Kaugnay nito, sinabi ni Gatchalian, senior member ng House Committee on Metro Manila Development, na dapat na pag-aralang muli ang pinaplanong pagpapatupad ng odd-even scheme para sa mga provincial bus na bumibiyahe sa EDSA.

Sa ilalim ng nasabing scheme ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ang mga provincial bus na ang plaka ay nagtatapos sa 1,3,5,7 at 9 ay pahihintulutang dumaan sa mga EDSA tunnel mula Lunes hanggang Miyerkules.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Batay sa plano, ang mga bus namang nagtatapos sa 2,4,6,8 at 0 ang plaka ay papayagang dumaan sa mga tunnel tuwing Huwebes, Biyernes at Sabado. Bawal sa mga tunnel ang lahat ng provincial bus tuwing Linggo. Sisimulan ngayong Martes, Oktubre 28, ang pagpapatupad sa odd-even scheme hanggang sa Enero 4, 2015.

Nagbabalang mas lalala pa ang trapiko sa inaasahang pagtaas ng benta ng sasakyan sa 2015, isinusulong ni Gatchalian ang House Bill 5098 (Proof of Parking Space Act) na mag-oobliga sa mga bibili ng sasakyan na magsumite ng patunay na may parking space para rito, dahil kadalasan, aniya, ay ang bangketa o kalsada ang ginagawang garahe ng ilang car owner. - Ben R. Rosario