FRANKFURT, Germany (AP) — Sinabi ng European Central Bank noong Linggo na 13 sa 130 pinakamalalaking bangko sa Europe ang bumagsak sa in-depth review ng kanilang finances at nangangailangan ng karagdagang 10 bilyong euro ($12.5 billion) upang malagpasan ang anumang krisis sa hinaharap.

Sinuri ng ECB, katuwang ang European Banking Authority, ang halaga ng holdings ng mga bangko sa tinatawag na asset quality review at isinalang ang mga ito sa stress test na titimbang kung paano gagalaw ang kanilang pananalapi sa pagbagal ng ekonomiya.

Sinabi ng ECB na 25 bangko ang natuklasang nangangailangan ng 25 billion euros. Sa bilang na ito, 12 na ang napunan ang kanilang mga kakulangan sa mga buwang isinasagawa ng ECB ang kanyang review, na batay sa finances ng bangko sa pagtatapos ng 2013. Nakatipon sila ng pera sa pag-isyu ng mga bagong share, o pag-alis ng kanilang risky investment o loan businesses na nagbawas sa halaga ng kapital na kailangan para ma-backstop ang holdings na ito.

Ang nalalabing 13 sa ngayon ay mayroon pang dalawang linggo para ihayag sa ECB ang kanilang plano para mapataas ang kanilang capital buffer at hanggang siyam na buwan upang maisakatuparan ang plano.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ang Italy ang may pinakamaraming bangko na nangangailangan ng karagdagang kapital — 4 sa 13. Ang bangkong may pinakamalaking pagkukulang ay ang Monte dei Paschi di Siena ng Italy, na kapos ng 2.11 billion euros. Lima sa mga bangko – ang Eurobank, National Bank of Greece, Nova Ljubljanska Banka, Nova Kreditna Banka, at Dexia — ay mapupunan ang kanilang kakulangan sa capital sa pamamagitan ng pananatili sa kanilang kasalukuyang restructuring plan.

Karamihan sa iba pang mga bangko ay maliliit na halaga na halos 1 billion euro at sa ilang kaso ay halos 200 milyong euro.