Ni ELLALYN B. DE VERA
May 12.1 milyong pamilyang Pilipino ang nagsabing naranasan nila ang kahirapan sa nakalipas na tatlong buwan, ayon sa resulta ng huling Social Weather Stations (SWS) survey.
Natuklasan ng nationwide survey na 55 porsiyento, o 12.1 milyong pamilya, ang nagsabing naghihikahos sila sa buhay. Ito ay kapareho ng bilang ng pamilyang Pinoy na nagsabing mahirap sila noong Hunyo 2014.
Gayunman, sinabi ng SWS na ang poverty rate ay nananatiling mas mataas ng tatlong puntos sa 52-porsiyentong average sa apat na quarter ng 2013.
Batay sa survey sa 1,200 respondent noong Setyembre 26-29, ang self-rated poverty sa Metro Manila ay tumaas ng anim na puntos o 43 porsiyento, at pitong puntos o 52 porsiyento sa natitirang bahagi ng Luzon.
Gayunman, bumaba naman ng 10 puntos ang nagsabing naghihirap sila sa o 61 porsiyento sa Mindanao, at siyam na puntos o 65 porsiyento sa Visayas.
Sa kaparehong survey period, 43 porsiyento ng pamilyang Pilipino o 9.3 milyong kabahayan ang nasabing sila ay “food-poor.” Mas mataas ito kumpara sa 41 porsiyento, o katumbas ng siyam na milyong bahay, na nagsabing mahirap sila, tatlong buwan na ang nakalilipas.