Muling magbabalik sa ibabaw ng ring si dating WBO minimumweight champion Merlito “Tiger” Sabillo para sa pagkakataong mabawi ang kanyang titulo na nahablot ni Mexican Francisco Rodriguez Jr. via 10th round TKO noong nakaraang Marso 22 sa Monterey, Nuevo Leon, Mexico.
Makakaharap ni Sabillo sa 10- round bout sa Cebu City Waterfront Hotel & Casino si dating Indonesian minimumweight champion Faris Nenggo sa undercard sa pagtaya ng korona ni Donnie “Ahas” Nietes ng WBO light flyweight title laban kay Carlos Velarde ng Mexico sa Nobyembre 15.
“I want to take back the name that I lost,” sinabi ni Sabillo sa Philboxing.com at natuwa siya nang mabatid na lalaban si Rodriguez kontra sa isang Pinoy boxer sa undercard ng Nietes-Velarde bout sa non-title light flyweight contest. “I want to win another world title belt.”
“I heard that he will be moving up in weight,” dagdag ni Sabillo hinggil kay Rodriguez na aakyat ng timbang matapos maagaw ang IBF title kay Katsunari Takayama ng Japan nitong Agosto. “I plan to stay at 105 lbs. where I am still comfortable at making weight.”
Kasalukuyang No. 6 sa WBO at No. 10 sa IBF rankings si Sabillo kaya kung magwawagi siya laban kay Nenggo ay tiyak na maihahanay siya sa babakantehing mga titulo ni Rodriguez.