HABANG nagdurusa pa rin sa mababang pagtingin ng publiko dahil sa pagkakasangkot nito sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel scam, muli na namang nasa sentro ng hindi kaaya-ayang mga balita ang Kamara de Representantes na sinasabing magsisingit ang mga leader nito ng mga pagbabago sa P2.6 trilyong National Budget para sa 2015 matapos maaprubahan ang bill sa pangalawang pagbasa.

Sa unang pagbasa, tinatanggap ang bill para talakayin at aprubahan ng komite. Pagkatapos, isinusumite ito sa Kamara upang pagdebatihan sa plenary session. Sa pangatlong pagbasa, isaisang tinatawag ang mga mambabatas upang ipahayag ang kanilang boto at ipaliwanag kung bakit. Sa kaso ng 2015 General Appropriations Act, ito ay inaprubahan sa pangatlong pagbasa noong Setyembre 26, 2014.

Ngayon, ayon sa House minority solons, may 100 pahina ng “errata” – umano’y typographical errors – ang isinisingit sa aprubadong bill. Una nang binawi ng Department of Budget and Management (DBM) ang nasabing 100 pahina ng “errata” kung kaya hindi ito nakasama sa bill na inaprubahan sa pangalawang pagbasa. Samakatuwid, hindi natalakay ang mga ito ng lupon. Kung nagkaroon ng pagtutol ang minorya o kahit na anong pagbabago sa ilang item, hindi sila nagkaroon ng pagkakataong gawin iyon.

Mabuti na lamang at may malasakit ang ilang kongresista ng minorya. Ang sandaang pahina ng budget items ay hindi basta na lamang tatawaging “errata”. Maaaring may items doon na hindi nais ng DBM na masilip. Kung ang mga iyon ay simpleng typographical na pagkakamali o malalaking programa na pinaglalaanan ng malalaking halaga, marapat na lantaran itong talakayin, bago pagbotohan sa pangalawang pagbasa. Sapagkat kontrolado ng pro-administration majority ang Kamara, malamang na maaaprubahan ang lahat ng budget na pinanukala ng Malacañang.

National

Hontiveros, walang nakitang blangko sa 2025 budget

Kailangang maunawaan ng mga mambabatas ng Kamara na nakatitig sa kanila ang sambayanan dahil sa PDAF at ng Disbursement Acceleration Program (DAP) ng administrasyon, na kapwa idineklarang unconstitutional ng Supreme Court. Matagal nang may hinala, makatwiran man o hindi, na ipagpapatuloy pa rin ng administrasyon ang pet projects na kinansela bunga ng desisyon sa DAP.

Iginigiit ng mga mambabatas ng Kamara na ang pagsisingit ng “errata” o mga pagbabago sa aprubadong bill ay tinatanggap na gawi sa Kamara. Maaaring totoo iyon ngunit sa kasalukuyang situwasyon kung saan nananatiling mataas ang pagdududa, magiging mas mainam kung tatalima ang mga mambabatas ng Kamara sa iginigiit ng minorya na lantarang talakayin sa asembliya ang mga pagbabago.

At pagkatapos, maaari nang aprubahan ng Kamara ang appropriation kasama ang lahat ng itinuwid na “typographical errors” at ang lahat ng iyon magiging legal at naaayon sa Konstitusyon.