Malapit nang magpatrulya sa mga lansangan sa Metro Manila na madalas pangyarihan ng krimen ang mga sibilyang armado ng handheld radio matapos na kunin ng Philippine National Police (PNP) ang serbisyo ng mga civilian radio communication group upang paigtingin ang pagpapatupad ng seguridad sa National Capital Region (NCR).

Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Gen. Carmelo Valmoria, malaking tulong sa pulisya ang pakikipag-ugnayan ng mga volunteer radio communication group na gaya ng REACT at KABALIKAT CIVICOM upang mabawasan ang kriminalidad sa Metro Manila, dahil mas marami ang aktibo sa pag-uulat ng mga krimen at mas madaling makareresponde ang mga pulis.

Kabilang sa mga crime-prone area sa Metro Manila ang Cubao sa Quezon City, Monumento sa Caloocan City, Baclaran sa Parañaque City, Malibay sa Pasay City at University Belt sa Maynila.

Ayon kay Interior and Local Government Secretary Mar Roxas, hihikayatin ng mga radio communications group ang lahat ng miyembro nito na mag-report ng anumang krimen sa komunidad ng mga ito na agad namang ipararating sa NCRPO, na magtatalaga naman ng mga pulis na tutugon sa natanggap na report.

National

Hontiveros, walang nakitang blangko sa 2025 budget

“Kulang na kulang ang ating mga pulis at police trainees para ipakalat sa lahat ng lugar sa National Capital Region na may mataas na insidente ng krimen. Kaya inaasahan natin sa pagdating nitong communication groups ay mababawasan pa nang mas malaki itong krimen na naitatala natin sa ngayon,” sabi ni Roxas.

Aniya, umaasa ang PNP na lubos nang maipatutupad ang police-radio communications group action plan sa susunod na buwan. - Aaron B. Recuenco