Agad nagpadama ng matinding lakas ang nagtatanggol na kampeong National Capital Region (NCR) matapos dominahin ang apat sa 13 pinaglalabanang sports sa ginaganap na 2014 MILO Little Olympics National Finals sa Marikina Sports and Freedom Park sa Marikina City.

Inangkin ng back-to-back champion na NCR ang mga nakatayang puntos sa swimming, sepak takraw, taekwondo at gymnastics sa Day 1 ng matinding kompetisyon upang lumapit sa pinakaaasam nilang ikatlong sunod na titulo at posibleng paghablot sa prestihiyosong Perpetual Trophy na simbolo ng 27 taong torneo para sa kabataan.

Matapos ang 36 events sa swimming, pinangunahan ng NCR ang apat na kategorya sa 12 & Under Boys, 12 & Under Girls, 13-17 Boys at ang 13-17 Girls sa torneong suportado ng Wilson, Mikasa, Molten, Butterfly, Marathon, Smart Communications, 2Go Travel at Marikina City. Ang taunang palaro ay inendorso din ng Department of Education (DepEd), Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Olympic Committee (POC).

Itinala ng NCR ang kabuuang 74.50 puntos sa 12 & Under Boys habang may 67 ang Visayas, 46 sa Luzon at 42.50 sa Mindanao. Mayroon itong 89 puntos sa 12 & Under Girls kasunod ang Mindanao (65), Visayas (50) at Luzon (20).

National

Bulkang Kanlaon, alert level 3 pa rin!

Kabuuang 76 puntos naman ang iniuwi ng NCR sa 13-17 Boys kasunod ang Luzon (53), Mindanao (51) at Visayas (30) habang sa 13-17 Girls ay ipinoste ng NCR ang kabuang 107 puntos kasunod ang Mindanao (55), Luzon (39) at ang Visayas (29).

Winalis din ng koponan ang elementary at secondary division sa sepak takraw sa pagkubra ng nakatayang 15 puntos. Pumangalawa sa elementarya ang Luzon (10), ikatlo ang Visayas (7) at ikaapat ang Mindanao (4) habang sa sekondarya ay pumangalawa ang Mindanao (10), ikatlo ang Visayas (7) at ikaapat ang Luzon (4).

Tinanghal na Most Outstanding athletes sa sepak takraw sa elemetarya sina John Arsyl Tupaz ng NCR bilang Best Tekong/Server, Jerry Lazaro Jr. bilang Best Spiker at Michael Bob Lapuz ng Visayas bilang Best Tosser.

Kinilala naman sa secondary division bilang Best Tekong/Server si Chito Duavis ng NCR, Marvin Ompad ng Visayas Team bilang Best Spiker at si John Paul Talarde ng NCR bilang Best Tosser.

Dominado din ng NCR ang elementary at secondary men’s artistic, women’s artistic at rhythmic gymnastics. Ikinasa nila ang 15 puntos sa MAG, 15 sa WAG at 10 sa RG sa elementary at 15 puntos sa MAG, 10 sa WAG at 15 sa RG sa secondary division.

Nagawa ring magwagi ng NCR sa secondary girls taekwondo at pumangalawa sa boys division habang pumangatlo sa boys at ikaapat sa girls sa elementary category. Dinomina naman ng Luzon ang taekwondo event sa pagsalansan ng 15 puntos sa elementary boys at 10 sa girls habang 15 sa secondary boys at 10 sa girls.

Kumubra naman ang multimedalist sa swimming na si Jules Kathrenne Ong ng NCR ng 4 ginto kasama sina Jose Mari Arcilla, Psalm Daniel Aquino ng Mindanao at Suzanne Himor habang may tatlo naman sina Cedric Fox ng Mindanao, Zoe Marie Hilario, Francesca Jovez at Portia Doragos.