Umapela ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga magsasagawa ng tigil-pasada ngayong Lunes na huwag pilitin ang mga driver na tumangging lumahok sa protesta.
“Umaapela ako sa mga miyembro ng PISTON (Pinag-Isang Samahan ng Tsuper at Opereytors Nationwide) na gawing mapayapa ang kanilang protesta. Huwag nating perhuwisyuhin ang publiko na walang kinalaman sa mga isyu nila,” sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino, na pinuno rin ng Presidential Task Force on Transport Strikes and Mass Actions (TRASMA).
“Hinihiling ko rin sa kanila na huwag puwersahin ang mga driver na tuloy sa pamamasada para kumita. Huwag n’yo silang harangan at irespeto n’yo ang desisyon nila,” sinabi ni Tolentino sa panayam sa radio program ng MMDA.
Bilang bahagi ng contingency measures ng ahensiya, sinabi ni Tolentino na magpapakalat ang MMDA ng mga sasakyang magbibigay ng libreng sakay para sa mga mai-stranded na pasahero.
Aniya, nakipag-ugnayan na ang MMDA sa National Capital Region Police Office (NCRPO) tungkol sa mga hakbangin upang maibsan ang inaasahang epekto ng tigil-pasada sa publiko.
Sinabi ni Tolentino na iistasyon ang mga sasakyan ng MMDA sa Monumento sa Caloocan City, Karuhatan sa Valenzuela City at sa iba pang kritikal na lugar sa Quezon City.
Ipoprotesta ng PISTON ang pagpapatupad ng mas mataas na multa sa mga pampublikong sasakyan, alinsunod sa bagong ipinatutupad na Joint Administrative Order ng Department of Transportation and Communications, Land Transportation Office at Land Transportation Franchising and Regulatory Board.