Posibleng ipasa na ng Kongreso bago matapos ang taon ang panukalang magbabawas sa sinisingil na individual at corporate income tax.

Sinabi ni Marikina City Rep. Miro Quimbo, chairman ng House Committee on Ways and Means, na nagkasundo ang mababa at mataas na kapulungan ng Kongreso na gawing prioridad ang pagpapasa sa panukala na tutugon sa “unfair and inequitable” na income tax system.

“It is now a priority bill of the joint Legislative caucus, that’s why I am even more hopeful that it will pass soonest,” sinabi ni Quimbo sa isang panayam.

Aniya, panahon nang alisin ang pasanin ng mga ordinaryong manggagawa na may pinakamalaking ambag sa kabuuan ng nakokolektang buwis. Noong 2013, nag-ambag ang middle class ng may 72 porsiyento ng kabuuang income tax sa taong iyon, ayon kay Quimbo.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Hopefully, we will be able to pass it by end of the year,” ani Quimbo.

Inutusan si Quimbo na pagsamasamahin ang siyam na panukala para bawasan ang sinisingil na income tax, sinabi ni Pasig City Rep. Roman T. Romulo na “Everyone has agreed that the rates need adjustment because of inflation. The people’s purchasing power now is different from the purchasing power in the past because the tax rates have not changed, they have remained high,” aniya.

Hinimok din niya ang Department of Finance (DOF) na patunayan, sa pamamagitan ng pagpiprisinta ng mga pag-aaral, ang iginigiit nitong nasa P30 bilyon ang mawawala sa kaban ng bayan kapag naipatupad ang nasabing panukala.

“Bakit di tayo binibigyan ng detalye, stonewalling lang nila yan. Besides, marerecover din nila yan, kasi once we pass this measure, magkakaroon ng spending power ang ating mga mamamayan. Panahon na para matulungan natin ang mamamayan lalo na ang middle class na ang take home pay nila ay malaki at may control sila,” ani Romulo.