Mga laro ngayon: (Ynares Sports Arena)
11 a.m. Opening Ceremonies
12 p.m. Café France vs. MP Hotel Warriors
2 p.m. Cebuana Lhuillier vs. Racal Motorsales Corp.
4 p.m. AMA University vs. Wangs Basketball
Tatlong mga beteranong koponan, isang nagbabalik sa aksiyon at tatlong baguhan ang nakatakdang magsagupa ngayon sa pagbubukas ng 2015 PBA D-League Aspirants Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Sa pagkawala at pagsalta sa PBA ng perennial champion na NLEX, gayundinn ang perennial contender at one-time champion Blackwater, inaasahang kapana-panabik ang labanan ngayon sa liga para sa 12 koponang kalahok na kinabibilangan ng limang school based squads.
Agad na mabibinyagan ang koponan ng People’s champion na si Congressman Manny Pacquiao, ang MP Hotel Warriors, sa pagsalang nila sa beteranong Café France sa pambungad na laban sa ganap na alas-12:00 ng tanghali matapos ang simpleng opening rites na magsisimula sa alas-11:00 ng umaga.
Kasunod na mahuhusgahan ang isa pang baguhang team na Racal Motorsales na gagabayan naman ni dating NAASCU champion St. Clare College coach Jinino Manansala sa pagsagupa nila sa Cebuana Lhuillier Gems sa ikalawang laro sa ganap na alas-2:00 ng hapon.
Muling nagbalik sa D-League ang Wangs Basketball na hindi lumahok sa nakaraang huling dalawang conference noong nakaraang taon kung saan ay makakatagpo nila ang isa pang newcomer na AMA University sa tampok na laban sa ganap na alas-4:00 ng hapon.
Ang MP Hotel Warriors na gagabayan ng dating San Sebastian College (SSC) playmaker na si Arvin Bonleon ay pangungunahan ng mga dating collegiate standouts na sina Jesse Collado, Russel Yaya, George Allen at Jonathan Belorio, kasama sina Jeff Morillo, Meylan Landicho at Rey Sumido.
Muli namang mamumuno sa tropa ng dati ring Stags na si coach Egay Macaraya ng Bakers ang kanyang mga manlalaro sa Centro Escolar University (CEU) na sina Rodriguez Ebondo, Alfred Batino, Joseph Sedurifa at Mon Abundo.
Inaasahang hahataw para sa Racal ang NCAA standouts na sina Jamil Ortuoste, Jamil Gabawan, Ford Ruaya at Jessie Saitanan, kasama ng St. Clare players na sina Fabian Redoh, Marte Gil at Jayson Ibay na tatapatan naman ng mga beteranong manlalaro ng Gems na sina Paul Zamar at Allan Mangahas, kasama ng mga bagong recruits na sina Norbert Torres, Kevin Ferrer, Mar Villahermosa at Amond Vosotros.