HINDI lamang sa paaralan tayo maaaring matuto. Natututo rin tayo ng mga aral sa buhay mula sa ating mga karanasan araw-araw na hindi natin matatagpuan sa mga textbook. Ang nakalulungkot lamang, sapagkat abala tayo sa ating mga trabaho at iba pang aktibidad sa buhay, nalilimutan natin ng mga gintong butil na nakatutulong sa ating maging mas mabuti.
Noong maliliit pa tayo, napakadali nating turuan. Minsan nga, isang turo lang ng ating teacher, alam na agad natin. Ngunit ngayong matatanda na tayo, naging mas matigas na ang ating ulo kaysa noong bata pa tayo. At kung minsan, kailangang maging napakahusay ng ating propesor o mga magulang o mas nakatatanda upang maukilkil sa ating utak ang mga aral at disiplina. Ang disiplinang iyon ay maaaring aktuwal na pagbatok sa atin o sa anyo ng isang artikulo na mababasa natin sa Internet o sa isang magazine o diyaryong tulad ng binabasa mo ngayon na may layuning ipaalala sa atin ang mga aral na nalimutan na natin.
- Maging productive, hindi busy. - Huwag hayaang pamunuan o paharian ng iyong trabaho ang iyong buhay. Huwag masyadong abala sa paghahanapbuhay kung kaya wala ka nang panahon para sa iyong pamilya. Huwag kang masyadong maging workaholic kung kaya nalilimutan mong maglaan ng oras sa mahahalagang tagpo sa buhay ng iyong mga anak. Ngunit hindi ito nanganghulugang magpabaya ka sa iyong trabaho dahil kailangan mong suportahan ang lahat ng pangangailangan iyong mga anak. Tiyakin lang na productive ka, hindi busy. Tandaan: Mas mahalaga ang iyong mga relasyon sa buhay kaysa pera.
- Huwag mag-apura. - Sa isang daigdig ng agarang pagpapadala ng mga mensahe, mabilis na koneksiyon sa Internet, mga mobile app na nagpapadali mg ating trabaho sa pagpipindot lamang sa touch screens ng ating mga cellphone at tablet, natatamo agad natin ang instant na kasiyahan. Hangad kasi natin ang lahat ng bagay kaagad nang hindi nag-aaksaya ng panahon, ngunit may kasabihan tayo: Patience is a virtue. Tandaan: Laging mas mainam ang long term kaysa short term.
Sundan bukas.