Ni HANNAH L. TORREGOZA

Upang maiwasang ma-blacklist ng European Union (EU), ipupursige ng Senado ang pagpapasa ng panukala na magpapatatag sa mga batas ng bansa sa yamang-dagat at pangisdaan bago matapos ang taon.

Sinabi ni Senate President Franklin Drilon na ipapasa ng Senado ang bersiyon nito ng panukala, ang Senate Bill No. 2421, ngayong Lunes, Oktubre 27, sa ikatlo at huling pagbasa.

Partikular na hangad ng panukala maamyendahan ang Fisheries Code upang makatulong na mapaigting ang laban ng bansa laban sa illegal, unreported and unregulated (IUU) na pangingisda.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ayon kay Drilon, layunin din ng panukala na matiyak na nakatutupad ang Pilipinas sa mga pandaigdigang patakaran sa pangingisda.

Sinabi ng Senate chief na sa kasalukuyan ay hindi sapat ang parusang itinatakda ng mga batas ng bansa laban sa ilegal na pangingisda at kabilang ito sa mga pangunahing usapin na tinugunan ng European Union sa pamamagitan ng Directorate-General Maritime Affairs and Fisheries (DG-MARE) sa audit report nito sa Pilipinas noong 2012.

Mismong ang EU ay nagpalabas ng “yellow tag” warning laban sa Pilipinas at hanggang ngayong 2014 lang ito maaaring solusyunan ng bansa.

“Kapag hindi natin natugunan ang yellow tag at ang mga observation ng EU sa 2012 audit report nito sa Pilipinas, maaaring ma-blacklist ang lahat ng Philippine marine and fisheries products sa European Union market,” saad sa pahayag ni Drilon.

“Dapat na maamyendahan ang Fisheries Code bago ilagay tayo ng EU sa ‘red flag’ na tutukoy sa atin bilang isang non-cooperating country dahil hindi natin naipatigil ang IUU fishing,” babala ni Drilon.

Sinabi pa ni Drilon na ang nasabing ban ay makaaapekto sa industriya ng pangingisda at sa pagsulong ng ekonomiya ng bansa, tinukoy ang pag-aaral ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na ang lokal na pangisdaan ay kumakatawan sa 2.1 porsiyento ng kabuuang gross domestic product (GDP) ng bansa.

“Kailangan nating protektahan ang ating mga batas upang mapangalagaan ang ating marine and aquatic resources at maprotektahan ang kabuhayan ng mga mangingisda,” ani Drilon.