Sa huling survey ng Social Weather Station (SWS), halos 79 na porsiyento o 8 sa 10 Pilipino ang nais na humarap si Vice President Jejomar Binay sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee at sagutin ang mga paratang sa kanya tungkol sa korupsiyon.
Dahil dito, hinamon kahapon ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Manuel “Mar” Roxas III si Binay na tumugon sa panawagan ng 79 na porsiyento ng mga Pinoy, batay sa SWS survey, para sagutin ang mga akusasyon ng korupsiyon.
Nilinaw ni Roxas na kabilang sa 79 na porsiyento ay mahihirap, kaya hindi totoong mayayaman lang ang gustong humarap ang Bise Presidente sa Senado dahil maging ang mahihirap na sinasabing kinakatawan nito ay humihingi rin ng mga sagot sa hindi maipaliwanag na tagong yaman ng opisyal.
“Huwag na sanang gamitin pa ni VP Binay ang mahihirap sa kaso ng kanyang korupsiyon,” ani Roxas. “Mismong ang mahihirap nating kababayan ang may gusto na humarap siya sa Senado at managot. Tama na ang pasikut-sikot. Tama na ang mga palusot.”
Nilinaw din sa SWS survey na batay sa socio-economic class, 81 porsiyento ng tinanong ay mula sa class D o masa, 80% mula sa class ABC o mayayaman at 72% sa class E o mahihirap.