Ni CZARINA NICOLE O. ONG

Iniutos ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas sa National Capital Region Police Office (NCRPO) ang pagpapakalat ng mas maraming pulis sa “problem areas” sa Metro Manila, kahit pa napaulat na bumaba ang crime rate sa NCR.

Naging matagumay ang “one time big time” na pagpapakalat ng NCRPO ng 1,300 karagdagang pulis sa pagpigil sa mga krimen sa Pasay City, Parañaque City, Raxa Bago sa Tondo; Valenzuela City at Maynila, ayon kay Roxas.

Dahil dito, inutusan ng kalihim si NCRPO Chief Director Gen. Carmelo Valmoria na atasan ang mga District Director na suriin ang datos ng mga ito base sa Geographical Information System (GIF) at tukuyin kung alin pang mga lugar ang nangangailangan ng karagdagang pulis.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nakatuon ang GIF sa mapping ng mga insidente ng krimen, tinutukoy ang mga hot spot o ang madalas na pangyarihan ng krimen at sinusuri ang kaugnayan ng mga target sa mga hot spot na ito.

Sinabi ni Roxas na ang karagdagang 1,300 pulis ay maaaring hatiin sa walong “problem areas” na kinabibilangan ng Masambong sa Quezon City, Sampaloc sa Maynila, Pasig City at Mandaluyong City.

Gayundin, ang deployment ay dapat na gawin nang rotational basis, ayon sa kalihim ng DILG, upang maiwasan ng mga naka-deploy na tauhan ang “fraternization”.

Dahil mas maraming tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang nagkalat ngayon sa mga lansangan, una nang ipinag-utos ng DILG ang pag-hire ng karagdagang non-uniformed personnel (NUP) upang mangasiwa sa mga gawaing administratibo sa mga himpilan ng pulisya, kabilang ang encoding ng mga incident report form (IRF).