SINGAPORE (AP) – Hanggang hindi napupuksa ang Ebola outbreak sa West Africa, mas malaki ang tsansang mabitbit ng isang biyahero ang virus sa isang lungsod sa Asia.
Ang bilis ng pagtukoy sa sakit—at ang pagtugon dito—ang tutukoy kung paano mananalasa ang virus sa rehiyon na bilyun-bilyong katao ang nabubuhay sa kahirapan at karaniwan nang malamya ang mga public health system. Sa kabila ng pagsisikap ng mga gobyerno sa Asia na mapigilan ang pagpasok ng Ebola sa kani-kanilang bansa, nangangamba pa rin ang mga health expert sa mahihirap na bansa sa rehiyon, kabilang ang Pilipinas, na mas mahihirapang kontrolin at mas marami ang mamamatay sa virus.
Mahigit 10,000 katao na ang naapektuhan ng Ebola at halos kalahati sa mga ito ay namatay, ayon sa World Health Organization.