Parang dismayado na si House Speaker Feliciano Belmonte Jr kay Pambansang Kamao Sarangani Rep. Manny “Pacman” Pacquiao dahil sa malimit na pag-absent niya sa sessions sa Kamara.
Katwiran ng Speaker, parang nakakaligtaan ni Pacquiao ang kanyang constituents at tungkulin sa Mababang Kapulungan bilang isang mambabatas. Inihalal nila siya para katawanin Kamara. Sobra raw ang pagkahilig o “pagkagumon” ng boxing champ sa iba’t ibang larangan bukod sa pagboboksing!
Waring naiirita si Belmonte dahil sa pagpasok ni Pacman sa bagong larangan, ang basketball, na nagiging sanhi sa palagi niyang pag-absent dahil sa pagpapraktis. Isipin ninyo, panibagong pagpapraktis ang gagawin ni Manny sa nalalapit na laban niya kay US boxing champion Chris Algieri sa Macau sa Nobyembre. Kelangan niya ang ilang linggong practice upang malagay sa kondisyon ang katawan laban sa malaki at matangkad na kalaban.
Bukod sa boksing at basketball, si Pacquiao ay nasa larangan din ng entertainment, naglalaro ng billiards, cockfighting at iba pa. Ang Kamara ay may sesyon mula Lunes hanggang Miyerkules. Nahalal si Manny noong 2010. Muli siyang nahalal nitong 2013. Ayon sa balita, 60 araw siyang absent sa may 168 session days noong 15th Congress, at nitong 16th Congress raw ay 38 na siyang absent sa 69 sessions.
Idol Manny Pacquiao, mag-concentrate ka na lang sa boksing, wag nang sumali sa basketball sapagkat ang larong ito ay para sa matatangkad at malalaking manlalaro!
Meron nga bang “Oplan Stop Nognog in 2016”? Sino ba si Nognog at ano ang hitsura nito? VP Binay, sagutin mo nga ito! Sec. Roxas, ano ang comment mo?
Malayo pa ang Undas pero nagkalat na sa mga mall ang ibinebentang mga bungo, kalansay, bruhang nakasakay sa walis, kuweba, sapot ng gagamba, paniki at iba pang katatakutan na sagisag ng mga patay. Bakit hindi ang ibenta sa Araw ng Mga Patay ay larawan ng mga anghel, santo, krus at iba pang maka-langit na bagay bilang paggalang sa mga mahal nating yumao?