SIMULA ngayong gabi, mapapanood na sa GMA News TV ang apat na dokumentaryong nagwagi sa katatapos na 1st Cine Totoo: Philippine International Documentary Festival.

Unang mapapanood ang obrang nanalo bilang Best Documentary na Gusto Nang Umuwi ni Joy, ni Jan Tristan Pandy. Ito ay tungkol sa pakikipagsapalaran ni Joy na isa sa 200,000 Pinoy na naninirahan at nagtatrabaho sa United Kingdom – at isa sa tinatayang 1.1 million undocumented migrants doon mula sa iba’t ibang bansa.

Tampok sa dokumentaryo ang mga pang-araw-araw na gawain ni Joy pati na ang pakikipag-usap niya sa kanyang asawa at mga apo. Mapapanood din ang pakikibalita niya sa mga pangyayari sa Pilipinas at maging sa mga soap opera sa telebisyon. Bukod sa Best Documentary Prize, itinanghal din ang Gusto Nang Umuwi ni Joy bilang Audience Choice Award winner na ibinatay sa boto ng mga nanonood sa Cine Totoo na ipinalabas sa Trinoma, SM Megamall at SM Manila.

Ang Cine Totoo Special Jury Prize winner naman na Mananayaw ni Rafael Froilan ang mapapanood sa Nobyembre 2. Samantalang ang Walang Rape sa Bontok ni Carla Samantha Ocampo at Kung Giunsa Pagbuhay ang Binisayang Chopsuey (How to make Visayan Chopsuey) by Charliebebs Gohetia, na parehong tumanggap ng Special Mention Certificates, ay ipalalabas sa Nobyembre 9 at Nobyembre 16, ayon sa pagkakasunod.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Panoorin ang lahat ng mga nagwaging dokumentaryo sa 1st Cine Totoo Philippine International Documentary Festival simula ngayong 9:30 PM, sa nangungunang GMA News TV.