Ikakasa sa Lunes, Oktubre 27, ng mga miyembro ng Pinag-Isang Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) ang “Pambansang-Koordinadong Aksyon Protesta,” kasama ang mga pribadong motorista at mamamayan, sa Metro Manila at sa mga karatig-probinsiya.

Ayon kay George San Mateo, presidente ng PISTON, sa Lunes ay hihilingin ng grupo, gayundin ng mga pribadong motorista, sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Land Transportation Office (LTO) at Department of Transportation and Communications (DoTC), na suspendihin o ibasura ang labis na multa at mabibigat na parusa sa mga driver at operator ng mga pampublikong sasakyan, alinsunod sa Joint Administrative Order (JAO) ng tatlong nabanggit na ahensiya.

Kasama ng PISTON sa protesta ang mamamayan mula sa Metro Manila, TabbadLaguna, Albay, Iloilo, Bacolod City, Cebu, Northern Mindanao, Surigao Del Norte, General Santos City at Davao City.

Sinabi ni San Mateo na magkakasa ng tigil-pasada ang mga kasapi at kaalyado ng PISTON sa Cagayan de Oro City, Iligan City, Bukidnon, Misamis Oriental at Surigao del Norte.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Simula 5:00 ng umaga ay magtatayo ang PISTON ng mga protest center na manghihikayat sa mga driver at sa mamamayan sa Alabang (ilalim ng Alabang Viaduct Bridge) sa Muntinlupa City, Monumento (harap ng Victory Mall sa Rizal Avenue) sa Caloocan, Pasay (Flower Box Terminal), Novaliches (Quirino Avenue) at Cubao (panulukan ng Aurora Bloulevard at Annapolis) sa Quezon City.

Bandang 10:00 ng umaga naman susugurin ng caravan martsa ng mga raliyista ang mga tanggapan ng LTFRB, LTO at DoTC.