BREADWINNER na si Liza Soberano sa edad na 16, pero hindi niya ito itinuturing na bagahe o pabigat kundi armas para pagbutihin ang trabaho sa showbiz. Kaya willing siyang matuto ng tamang pag-arte at matutong makisama sa lahat ng taong nakakasalamuha niya.
Nakakatuwa ang dalagitang ito dahil simula nu’ng i-launch siya bilang member ng Star Magic Circle 2013 at nakatsikahan namin sandali ay natandaan na niya kaagad kami.
Sa tatlong interview namin pagkatapos ng launching niya, sa presscons ng She’s The One, Must Be Love at Got To Believe, palagi na siyang lumalapit para bumati at bumeso kaya hindi na kami nagtataka na marami pang ibang entertainment writers na gustung-gusto rin si Liza. Bukod kasi sa maganda, sobrang bait, marunong umarte, at natatandaan ang reporters na ipinakikilala sa kanya.
Marami kasing artista ngayon na kahit sampung beses nang ipinakilala sa media ay hindi pa rin kilala ang mga nag-iinterbyu sa kanila. May selective memory o may amnesia, di ba, Bossing DMB?
Ang wish namin ay hindi magbago ang mabubuting ugali ni Liza, kasi sayang naman ang magandang ipinapakisama ng manager niyang si Katotong Ogie Diaz sa mga kasamahan sa panulat, ha-ha-ha.
Aminado si Liza na baguhan pa lang siya pero sobra-sobrang blessings na ang dumarating sa kanya dahil palagi siyang may project. Tulad ngayon, bida na siya sa Forevermore kasama si Enrique Gil na nakasama niya sa She’s The One (bilang bestfriend na may lihim na pagtingin sa aktor na patay na patay naman kay Bea Alonzo na ang gusto naman ay si Dingdong Dantes).
Tiyak na doon nakita ng Star Cinema boss na si Ms. Malou Santos ang malakas na chemistry nina Enrique at Liza, kaya ginawa na silang bida sa Forevermore na in fairness ay may kilig talaga.
Ikatlong serye pa lang ni Liza ang Forevermore, nauna na ang Kung Ako’y Iiwan Mo at Got To Believe kaya napakasuwerte niya dahil hindi siya naghintay ng matagal para maging lead actress.
Gagampanan ni Liza ang papel ni Agnes na nagtatrabaho sa isang strawberry farm sa La Trinidad, Benguet at lumaki na pawang lalaki ang mga kasama kaya naging one of the boys, “natutong lumaban, matapang at very family oriented and bubble of sunshine, positive thinker.”
Nakilala ni Agnes si Xander (Enrique) na mahilig mag-skydiving nang bumagsak sa delivery truck nila, ang simula ang kuwentong away-bati nilang dalawa.
Sa pocket presscon ng cast ng Forevermore kahapon sa Star Cinema conference room, inamin ni Liza na crush niya talaga noon pa si Enrique, bukod kay Sam Milby.
“I’m very much comfortable now working with Enrique, talking to him,” kuwento ni Liza, “dati po kasi nahihiya talaga ako, hindi ako makatingin sa kanya, pero ngayon okay na po kaya maganda na po ang working relationship namin.”
And the feeling is mutual, dahil crush din ni Enrique si Liza at planong ligawan pero pinagbawalan na silang dalawa na wala munang ligawan at trabaho ang dapat unahin.
Kung hindi bawal, gusto na ba niyang magka-boyfriend?
“Ako po mismo ayaw ko po, ayaw ko po ng masyadong maraming iniisip,”
Sabad ni Marco Gumabao: “Siya (Enrique) lang naman ang iniisip mo, eh,” na ikinatawa ng lahat.
“Siyempre, iniisip ko rin ang trabaho ko,” ganti ni Liza.
Anong edad puwedeng magka-boyfriend si Liza?
“’Yung dad ko po, nag-usap po kami, mga 22 daw po, puwede na akong tumanggap ng manliligaw, at 24 po puwede na akong mag-boyfriend,” natatawang kuwento ng dalagita.
Kaya walong taon pa ang bubunuin ng young actress bago siya pumasok sa seryosong relasyon, at kung makakapaghintay si Enrique ay edad 30 na ang binata, ha-ha-ha.
Bukod sa kasunduan nina Liza at daddy niya, may kasunduan din ang dalagita sa ang manager niyang si Katotong Ogie.
“Sabi po ng manager ko, bago ako mag-boyfriend, dapat nakapagpatayo na ako ng dalawang bahay, one for my mom’s family na nasa US now at isa po para sa amin ng dad ko at isang condo for my own. And two cars po,” masayang kuwento ng batang aktres.
Madali na lang niyang makakamit ang lahat ng iyon kung magsisipag siya at hindi magiging pasaway, para lagi siyang may projects sa ABS-CBN at Star Cinema.
“Opo, gagawin ko po lahat ng bilin n’yo,” magalang na sabi ni Liza.
(Editor’s note: Gustong magtagumpay sa showbiz si Liza dahil pangarap niyang maging lawyer. Sa ngayon, wala pa siyang sapat na panahon at pera para matupad ito. Pero alam niyang makakapag-ipon siya sa showbiz. Ipinangako ni Ogie sa kanya na babalik siya sa pag-aaral kapag nakaipon na siya.)