Isang dating alkalde sa Leyte at kapwa niya mga dating lokal na opisyal ang napatunayan ng Sandiganbayan First Division na guilty sa paglabag sa anti-graft law sa pagbili ng P1 milyon sa isang segunda-manong traktora noong 2005.
Sa desisyong isinulat ni Chairman Efren dela Cruz at pinagtibay nina Associate Justices Rodolfo Ponferrada at Rafael Lagos, napatunayan ng graft court na nagkasala sa paglabag sa Section 3(e) ng RA 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) sina dating Tunga Mayor Amando Aumento Sr.; Lea Requiez, dating accountant; Julia Falguera, dating treasurer; at dating Bids and Awards Committee Chairman Alejo Castelo.
Hinatulan ng First Division ang apat na dating opisyal ng Tunga ng anim na taon at isang buwan hanggang 10 taong pagkakakulong.
Bukod dito, sinabi ng First Division na habambuhay nang madidiskuwalipika sa paglilingkod sa gobyerno ang apat na dating opisyal.
Kasabay nito, pinawalang-sala naman ng Sandiganbayan sa graft ang kapwa akusado at may-ari ng traktora na si Joshua Rey Garrido, dahil sa “failure of the prosecution to prove his guilt beyond reasonable doubt”.
Inabsuwelto rin ng First Division ang apat na dating opisyal sa kasong malversation of public funds.
Sa desisyon ng korte, ipinaliwanag nitong “the accused public officials gave unwarranted advantage to accused Garrido when they procured his farm tractor without going through the process of competitive public bidding, and by paying him prior to the delivery of the equipment to the municipality.”