Hiniling ng prosekusyon sa Sandiganbayan na ibasura ang petisyon ni Senator Jinggoy Estrada na makabisita sa puntod ng mga mahal nito sa buhay sa Nobyembre 1, Sabado.
Ayon sa prosecution panel, kung papayagan ng anti-graft court ang nasabing petisyon ng senador ay lilikha ito ng “bad impression” dahil salungat ito sa mga karapatang ibinibigay sa mga karaniwang bilanggo, lalo at mabigat at non-bailable ang kasong kinakaharap ni Estrada kaugnay ng pork barrel scam.
“If the court grants Estrada’s petition, it would show that they are extending a favor to Estrada just because he is a senator,” saad sa tatlong-pahinang oposisyon ng prosekusyon kaugnay ng hiling ng mambabatas.
Sa petisyon ni Estrada, nais niyang pahintulutan siya ng hukuman na lisanin ang detention facility sa Camp Crame simula 4:00 ng umaga hanggang 9:00 ng gabi sa Undas upang madalaw niya ang mga puntod ng mga namayapang kaanak sa San Juan Cemetery, gayundin ang kaibigang aktor na si Rudy Fernandez sa Heritage Park sa Taguig City.